EDITORYAL – Imposibleng walang mamatay sa operations vs illegal drugs
NAIS ni Vice President Leni Robredo, co-chairperson ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD) na walang mamatay habang nagsasagawa ng operations laban sa illegal drugs. “Zero casualty” ang gusto niyang mangyari at posible raw ito.
Maganda ang hangarin ng Vice President ngayong may posisyon na siya sa ICAD at gusto niyang maka-tulong sa drug problem. Pero kung iisipin, mahirap mangyari ang gusto niyang “zero casualty”. Ibang klase ang sindikato ng droga at maski drug pushers. Nakahanda sila at palaban. Sa halip na sumuko, lalaban sila sa mga awtoridad. Makikipagbarilan na ang mga ito at matira ang matibay. At basta na lamang ba titigil sa isang lugar para magkober ang mga pulis, hindi naman tama sapagkat kailangan nilang ipagtanggol ang sarili. Kailangan nilang ipakita na mas superior sila at ipinatutupad lamang ang batas. Dito na magkakaroon ng labanan at maaaring mapatay ang mga drug pusher at ganundin sa panig ng mga pulis. Sa police operations, lagi nang mataas ang posibilidad na may casualties. Bihira na walang namamatay sa magkabilang panig.
Maraming nagsasabi na para malaman ng Vice President ang totoong nangyayari sa anti-drugs operations, dapat mag-join o sumama siya sa mga pulis. Para makita kung maaari nga bang walang “zero casualty”.
Tama naman ang sinabi ng Vice President na dapat tutukan ang big-time drug suppliers. Kung hindi raw mapuputol ang supply at pawang maliliit na drug pushers lamang ang napapatay, balewala ang kampanya. Dapat lang talaga na unahin ay ang pinanggagalingan ng illegal na droga. Mula pa 2016 umarangkada ang drug campaign pero hanggang ngayon, wala pang nararating. Tutukan ang big-time drug suppliers. Sila ang unang lipulin para matapos na ang problema.
Hindi rin magtatagumpay ang kampanya sa droga kung mayroong mga pulis na nagre-recycle ng droga. Dapat linisin ang hanay ng kapulisan at basagin ang mga dumudungis gaya ng “ninja cops”. Imungkahi rin ni Robredo na ang mga makukumpiskang shabu ay agad na sunugin para wala nang mare-recycle.
- Latest