Sugar Mommy (204)
Ronnie M. Halos (Pang-masa) - November 13, 2019 - 12:00am

GULAT na gulat ang mama at papa ni Jericho nang makita siya.

“Bakit hindi mo man lang sinabi na ngayon na pala ang dating mo?’’ sabi ng kanyang mama. Nagmano si Jericho sa ina at ama.

“Hindi ko na po sinabi para masorpresa kayo. Isa pa po, itinaon ko sa araw na ito dahil unang taon ng pagkamatay ni Maia.’’

“Oo nga pala. Isang taon na pala ang nakakalipas.’’

“Nanggaling na po ako sa puntod ni Maia. Maagang-maaga po ay naroon na ako,’’ sabi pa ni Jericho na halatang gumaralgal ang boses.

Nakatingin ang mama at papa niya na parang maiiyak na rin.

“Halika at dito tayo sa salas. Ibaba mo na ang maleta mo.’’

Pumasok si Jericho at naupo.

“Ano ang gusto mong pagkain Jericho at ipagluluto kita.’’
“Bahala ka na ‘Ma.’’

“Mukhang mataba ka nga­yon kaysa noong huling uwi mo.’’

“Nakabawi na ‘Ma. Natatanggap ko na ang lahat.’’

“’Yan nga ang sinabi ko sa’yo na dapat isipin mo rin ang sarili. Nasa magandang lugar na ang asawa mo kaya dapat isipin mo rin ang iyong sarili.’’

Napatangu-tango habang nakangiti si Jericho.

Kinabukasan, dinalaw ni Jericho si Ninong Nik. Dinala niya ang regalo para rito na gintong kuwintas.

“Aba talagang napakabait mo Inaanak. Sabi ko naman sa’yo kahit huwag mo na akong pasalubungan.’’

“Hindi ko matitiis na wala akong maibigay sa’yo Ninong.’’

“Salamat Inaanak. E kumusta naman ang lagay mo sa Saudi? Mukhang mataba ka ngayon.’’
“Okey lang po. Nakabawi na ako sa mga nangyari, Ninong.’’

“Salamat naman. Natutuwa ako para sa’yo.’’

ISANG araw, nagtungo sa Sta. Cruz si Jericho nang isang lalaki ang nakasalubong niya. Hindi niya matandaan ang lalaki.

(Itutuloy)

SUGAR MOMMY
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with