Nawawalang disiplina sa maraming Pilipino
USAP TAYO - Pastor Joey Umali (Pang-masa) - November 9, 2019 - 12:00am

UMAABOT na sa 13 milyon ang populasyon ng Metro Manila.  Isa sa problemang nililikha ng napakalaking populasyon ay ang kakulangan sa tubig. Sa ngayon, may rotasyon ng pagputol ng supply ng tubig sa Metro Manila, samantalang may ibang lugar na nirarasyon na ang tubig.

Nanggagaling ang supply ng tubig sa Metro Manila sa Angat at Ipo dam na sa ngayon ay kritikal na ang kalagayan dahil sa pagbaba ng imbak ng tubig. Tapos na ang tag-ulan, kung kaya wala nang maasahang malalakas na pag-ulan na magpupuno ng tubig sa dalawang dam. Ibig sabihin, palala nang palala ang problema.

Ang isang nakikitang solusyon ng gobyerno ay ang pagpapatuloy ng Kaliwa Dam Project sa mga probinsiya ng Quezon at Rizal na ipinanukalang gawin panahon pa ni Presidente Marcos noong dekada sitenta.  Gayunman, nabinbin ang proyekto dahil sa mariing pagtutol ng mga katutubong Remontado at Dumagat na ang mga komunidad ay sasakupin ng dam. Kasama ring maaapektuhan ang 12,000 ektarya ng kagubatan na pinaninirahan ng 172 uri ng mga halaman, gayundin ang iba’t ibang uri ng agila, usa at iba pang mga hayop na nanganganib nang maubos.

Sa harap ng ganitong tunggalian, ano ang gagawin ng gobyerno?  Nagbabala si Presidente Duterte na handa siyang gumamit ng “extraordinary power” upang itayo ang dam para sa kapakanan ng higit na nakararami.  Napakahirap na “balancing act” nito.  Para sa kapakanan ng nakararami, isasakri-pisyo ang mga katutubo na sa mula’t simula ay doon na naninirahan sa mga lugar na gagawing dam, gayundin ang daan-daang uri ng mga halaman at hayop na may karapatan din sa mga lugar na iyon.

Ito ang presyo ng pag-unlad at kawalan ng matagalan at malawakang plano.  Sobra ang bilis ng pagdami ng populasyon sa Metro Manila na hindi makaagapay ang ginagawang mga proyekto sa pagpapaunlad.  Kasama sa problema ng trapiko at tubig ay ang mabigat ding problema sa basura, pabahay, kalusugan, katahimikan, at marami pang iba.  Isang urban planning expert ang nagsabi na sa loob ng isang dekada, kung walang magiging radikal na interbensyon, hindi na nararapat panirahan ng tao ang Metro Manila.

Ano ang dapat gawin? Hindi maaaring tumigil ang gobyerno sa paghanap ng solusyon.  Kaya itinatag ang gobyerno ay upang pangalagaan ang kapakanan ng nakararami nang hindi naman binabalewala ang karapatan ng kakaunti. Habang naghahanap ng solusyon, katungkulan naman ng bawat mamamayan na maging bahagi ng solusyon, sa halip na makaragdag sa problema. Malaki ang magagawa ng disiplina sa pagtitipid ng tubig, pagpapabilis ng daloy ng trapiko, pag-aayos ng basura at iba pang isyung pangkomunidad.  Ang masaklap, ito ang kulang, kundi man wala, sa maraming Pilipino. Ito ang programang dapat dibdibin ng bawat Pilipino — ang pagbabalik ng pambansang disiplina.

Sa 2 Cronica 7:14 ay ganito ang nasusulat, “Kung ang bayang ito na nagtataglay ng aking karangalan ay magpakumbaba, manalangin, hanapin ako, at talikuran ang kanilang kasamaan, papakinggan ko sila mula sa langit. Patatawarin ko sila sa kanilang mga kasalanan at muli kong pasasaganain ang kanilang lupain.”

Sa aplikasyon, kung tayo’y magiging mabuti at masuring mamamayan, magiging maka-Diyos at maka-tao, at maka-kalikasan, tatalikuran ang mga kasamaan na tulad ng katiwalian at pagsasamantala, ibabalik ng Diyos ang kasaganaan sa ating bansa. Bawat isa sa atin ay may mabigat na responsibilidad bilang mamamayang Pilipino.

PILIPINO
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with