67-anyos na lola, humingi ng tulong sa BITAG para sa kanyang bf na Kano
BITAG - Ben Tulfo (Pang-masa) - October 24, 2019 - 12:00am

NAPAPADALAS na ang mga sumbong na dumadating sa BITAG Action Center na may kinalaman sa “Online Romance Scam.” Ang mga biktima, mga may edad nang kababaihan, nagpapatulong na matunton ang taong nagpaibig at nanloko sa kanila. Ang iba, umaasang maibabalik pa ang perang isinuko nila. Habang ang iba naman, kahit maglabas pa ng pera ay nananampalatayang totoo ang kanilang pagmamahalan kahit sa text o video chat lamang sila nag-uusap.

Nitong Lunes, ikinagulat ko ang paglapit sa akin ng isang 67-anyos na lola. Hiling niya, tulungan kong pondohan ang helicopter daw na re-rescue sa kanyang Amerikanong kasintahan na-stranded sa isang oil rig sa UAE. Mayaman daw ang kanyang bf at maibabalik ang perang magagastos sa helicopter.  Ang hiling kasi ni bf ay padalhan siya ni Lola ng P200,000 para sa helicopter na kanyang sasakyan paalis ng isla at nang magkasama na sila.

Ipinakita sa akin ni Lola ang US company ID ng kanyang boyfriend. Napakamot ako sa aking ulo, maraming kataka-takang impormasyong nakasulat sa ID na may logo pa ng kompanyang Shell. Pamilyar sa akin ang mukhang nakalagay sa ID. Nang mag-imbestiga kami, si Tom Hanks ang nasa litrato, cropped ito sa Instagram ng aktor.

Hindi ito ang unang beses na hiningian si Lola ng pera ng kanyang kasintahan kuno, nakapagpadala na siya ng $700. Nadiskubre ko sa kanilang chat coversation, pangalan ng isang Nigerian national ang kanyang pinadalhan. Sa umpisa pa lang ng kuwento ni Lola, alam ko nang ini-scam siya pero hindi niya tinatanggap ang aking paliwanag. Ayaw niya ring maniwala na ang ID picture na pinadala ng kanyang bf ay si Tom Hanks. Sabi ni Lola, nagkita’t nagkasama na sila ng bf noong 1993 habang nagtatrabaho siya sa Oman bilang cook. Nagpatuloy ang kanilang komunikasyon hanggang 1995, nawala’t bumalik ng 2005, nawala’t bumalik ulit ngayong 2018.

Maaaring totoo ang kanyang sinasabi subalit sigurado ang Bitag na ibang tao na’t dorobo ang kanyang kausap ngayon. Naaawa ako kay Lola at ang gusto ko lang ay maagapan ko ang pa ang panloloko sa kanya. Maging ang kaniyang mga anak ay gusto nang patigilin si Lola sa kanyang ginagawa. Isang eksperto ang ipinakausap ko kay Lola sa ere, si Dr. Ali Gui na isang psychologist. Sa palagay ni Dra. Gui, may kinalaman ang mga iniinom na diabetes medication ni Lola sa pagkakaroon niya ng confusion, hindi na ma-distinguish ni Lola kung ano ang totoong pangyayari at hindi. Nagpayo pa si Dra. Gui, na ang pagmamahal ay walang hinihinging kapalit. Kung may involve na pera, dapat magtaka ka na.

Ipinagtanggol pa rin ni Lola ang kanyang American boyfriend, hindi raw ito scammer and they’re both inlove. Sunod kong pinakausap si Atty. Victor Lorenzo, Chief ng Cybercrime Division ng National Bureau of Investigation (NBI). Ayon kay Atty. Lorenzo, lahat nang elemento ng scamming ay nasa sitwasyon na ni Lola. Nabilog na ng scammer ang ulo nito kaya nasa denial stage pa rin si Lola. Handa naman daw tumulong ang NBI at ipaliwanag point by point kung paano siya naloko ng kolokoy na scammer.

Hangad namin sa BITAG na maliwanagan ang isip ni lola. Hindi sapat ang pagtulong namin, malaking bagay para sa mga anak ni Lola na manatili sa tabi ng kanilang ina’t iparamdam ang tunay na pagmamahal. Sila ang unang makakatulong na mabago ang pananaw ng matanda.

Magsilbi sana itong babala sa lahat ng nakakaranas ng kaparehong sitwasyon ni lola. Huwag paloloko, tumakbo agad sa amin kung may ganitong uri ng transaksiyon sa inyong tahanab o komunidad.

ONLINE ROMANCE SCAM
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with