^

Punto Mo

Kailan hindi krisis ang krisis?

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

SABI ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo, walang krisis sa transportasyon sa kabila ng halos mula 3 hanggang 4 na oras na ginugugol ng karaniwang mamamayan sa pagpasok sa trabaho araw-araw. ‘Di pa binibilang ang halos katumbas o higit pang oras sa pag-uwi. Bilang pagtanggap sa isang hamon, nag-commute si Panelo mula Quezon City papuntang Malacañang. Umalis siya ng bahay ng 5:15 ng umaga, nakarating sa Malacañang ng 8:46, o halos 4 na oras. Ang kagulat-gulat, nanindigan pa rin siya na walang krisis sa transportasyon.

Ayon sa ginawang pag-aaral ng Japan International Cooperation Agency noong nakaraang taon, umaabot sa P3.5 bilyong halaga ang naaaksaya araw-araw dahil sa malalang trapiko sa Metro Manila. Kung ito’y hindi krisis, ano ang krisis?

Sa isa namang pag-aaral na ginawa kamakailan ng Asian Development Bank, lumalabas na ang Maynila ang “the most congested major city” sa buong Asya. Kung ito’y hindi krisis, ano ang krisis? Ang karaniwang mamamayan sa Metro Manila ay gumugugol nang mula 6 hanggang 8 oras sa pagbibiyahe araw-araw. Nangangahulugan ito ng bawas na oras para sa sarili at pamilya. Aalis ng madaling-araw, uuwi ng gabing-gabi na. Napaka-stressful ang mamuhay sa Metro Manila, na ang resulta’y madalas na pagkakasakit. Kung ito’y hindi krisis, ano ang krisis?

Palala nang palala ang trapiko, sapagkat parami nang parami ang mga sasakyang pribado. Kahit na lakihan pa nang lakihan at dagdagan pa nang dagdagan ang mga kalsada, kundi naman maisasaayos ang tinatawag na “mass transport system,” mag-iingganyo lamang tayo ng pagbili ng mga bagong sasakyan na lalong magpapasikip sa mga kalsada.  Ang kailangan natin ay epektibong “train system” na katulad ng sa Japan, Singapore, Hong Kong at Taiwan. Ang ating mga jeep at tricycle ang pinakamagastos at pinakanakapagpapasikip na sistema ng transportasyon. Ang isang bus ay katumbas ng halos 5 jeeps o 15 tricycles. 

Ang kauna-unahang hakbang tungo sa paglutas ng krisis ay ang pagtanggap na may krisis. Ang isang maysakit ay hindi maaaring gumaling kung hindi niya tatanggapin na siya’y maysakit. Dapat tanggapin ng gobyerno na may krisis tayo sa transportasyon.  Dapat ding tanggapin ng bawat mamamayang Pilipino na may krisis tayo sa transportasyon.

Sa panig ng gobyerno, kailangan ang “political will” para malutas ang problema. Tigilan na ang sisihan. Dapat ipakita ng ating mga lider na handa silang makibahagi sa sakripisyong dinaranas ng mga mamamayan. Ialis sa kalye ang mga “wangwang” at “hawi boys.” Isang kongresista ang naghain ng panukalang-batas na mag-oobliga sa mga lider ng gobyerno, kasama na ang mga miyembro ng Gabinete at Kongreso, na mag-commute minsan man lamang sa isang linggo. Ewan lang natin kung makakapasa ang panukalang ito!

Sa panig ng mga mamamayan, kailangan ang personal na disiplina. Nililinis ng MMDA at mga “local government units” ang mga kalsada, ngunit pagkatapos na malinis ay balik na naman  ang mga pasaway. May mga nagsasabi na ang trapiko sa Metro Manila ay luluwag nang mula 30 hanggang 40 porsiyento kung magiging disiplinado lamang ang mga tao. Wala kang karapatang magalit sa gobyerno kung ikaw ay tumatawid sa hindi “pedestrian lane” o itinutuloy mo pa rin ang pagtakbo ng iyong sasakyan kahit “red light” na dahil wala namang “traffic enforcer” na manghuhuli. Kung wala kang disiplina, wala kang karapatang humingi ng mabuting serbisyo. Ang kawalan natin ng disiplina ang higit na malalang krisis sa ating lipunan.

vuukle comment

KRISIS

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with