Sapol na sapol ang millennials
USAP TAYO - Pastor Joey Umali (Pang-masa) - October 12, 2019 - 12:00am

SALUDO ako sa isang talumpati ni Presidente Duterte. Ito ay ang kanyang talumpati nang ginawaran siya ng doctorate, honoris causa, ng Moscow State Institute of International Relations. Ang pinatungkulan niya ng kanyang talumpati ay ang millennials na sinabihan niya na huwag lamang sarili ang iisipin, kundi isipin din ang mga taong nasa kanilang paligid at laging gawin kung ano ang mabuti.

Sino ba ang millennials? Tinatawag din silang “Generation Y” o “Net Generation,” mga ipinanganak sa pagitan ng 1982 at 2,000. Kaya ang edad ng millennials ay sa pagitan ng 19 at 37. Ang nangingibabaw na katangian ng millennials ay ang mga sumusunod: Tech-savvy — bihasa sa teknolohiya; family-centric — ang buhay ay umiinog sa pamilya; achievement-oriented — laging nagpupursiging magtagumpay; being connected — gusto ay laging konektado; at job-hopping — hindi nagtatagal sa isang trabaho.

Maganda naman ang mga katangiang ito, lalo na ang pagnanais ng millennials na laging kontrolin ang kanilang buhay. Kapag hindi nila kontrolado ang mga bagay-bagay, nawawalan sila ng pag-asa. Ang problema lang, may tendency silang maging individualistic. Sarili lamang ang iniintindi at walang pakialam sa iba.  Kaya tamang-tama ang talumpati ng Presidente. Talagang sapol na sapol ang millennials.

Kung may isa mang salitang maaaring sumimbolo sa katangiang ito ng millennials ay ang salitang “selfie.”  Ang nagse-selfie ay kumukuha ng sarili niyang litrato, kung saan siguradong siya ang naka-focus at pinakamalaki ang kanyang mukha. May isang sigurado sa isang nagse-selfie, siguradong hindi siya mawawala sa litrato.

Sa halip na “selfie,” ang dapat pursigihin ng millennials ay “otherpe,” other people, ang ibang tao, bukod pa sa sarili. Hindi naman masamang intindihin ang sarili, ngunit hindi sa paraang kinalilimutan na ang iba. Napakaganda ng kantang “Pananagutan” na may ganitong sinasabi, “Walang sinuman ang nabubuhay para sa sarili lamang, walang sinuman ang namamatay para sa sarili lamang. Tayong lahat ay may pananagutan sa isa’t isa…”

Sapul ang millennials sa talumpati ng Presidente. Pero sa totoo lang, tinamaan tayong lahat ng kanyang talumpati, sapagkat marami sa atin ay individualistic, walang pakialam sa ating kapwa at higit sa lahat, sa ating bansa. Malinis tayo sa ating sariling tahanan, pero hindi tayo nakokonsensiya kung nagtatapon man tayo ng dumi sa kalye, estero o ilog. Minsan, diniretso ako ng isang kaibigang Koreano. Sabi niya, “The problem with you Filipinos is that you don’t love your country.”

Millennials man o hindi, kailangang lagi nating gagawin kung ano ang mabuti. Maaaring iba-iba ang kahulugan ng mabuti. Ngunit ang Bibliya ay may magandang sinabi sa Mikas 6:8, “Itinuro na niya sa iyo kung ano ang mabuti. Ito ang nais ni Yahweh: Maging makatarungan ka sa lahat ng bagay, patuloy mong mahalin ang iyong kapwa, at buong pagpapakumbabang sumunod ka sa iyong Diyos

Kaygandang panuntunan nito para sa ating lahat!  Ang kabutihan ay ang pagiging makatarungan, patas at makatotohanan sa lahat ng bagay — walang kinikilingan. Ang kabutihan ay ang pagmamahal sa kapwa — walang pinipiling kulay, lahi o relihiyon. Ang kabutihan ay ang pagiging mapagpakumbaba —pagsunod sa utos ng Diyos at sa itinatadhana ng batas.

Lahat ng henerasyon ng mga Pilipino, millennials man o hindi, ay kailangang lumaya mula sa pagkamakasarili, ibigin ang kapwa at ang bansa upang magkaroon ng tunay na dangal ang ating lahi, honoris cause, sa ngalan ng dangal!

MOSCOW STATE INSTITUTE OF INTERNATIONAL RELATIONS
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with