Gov’t vehicle, naispatan ng BITAG sa isang sauna sa QC!
BITAG - Ben Tulfo (Pang-masa) - October 10, 2019 - 12:00am

HINDI na lang umiikot sa aming action center ang aming serbisyo publiko. Tumatanggap na rin kami ng mga tip mula sa mga taong nakakasaksi ng mga kapabayaan, panlalabis, at pang-aabuso na nangyayari kadalasan sa gabi.

Isang impormasyon ang ipinadala sa BITAG Pambansang Sumbungan tungkol sa isang Spa and Sauna sa Quezon City. May mga customers daw ang establisimento na pumupunta gamit ay red plate o sasakyan ng gobyerno.

Dahil sa tip, agad rumonda ang BITAG night strikers para silipin ang nasabing spa. Isang Toyota Vios na may plakang SAA 2804 ang naaktuhang nakaparada sa tapat ng establisimento.

Matapos ang matiyagang pagmamanman ng aming strikers sa labas ng spa ay napag-alaman naming tatlong lalaki ang sakay ng kotse ng gobyerno. Mukhang solb na solb ang mga ito, nag-high five at nakangiting aso pa!

Hindi pa nakuntento, matapos magpa-spakol, dumiretso ito sa isang bulalohan. Ginutom ang mga kumag sa kanilang kalokohan, pinaamoy pa ng isa ang kanyang kamay sa kasama. 

Magdamag binuntutan ng mga BITAG staff ang kotse hanggang makaabot ito sa Bgy. Bahay Toro, Quezon City. Pinagtanung-tanong namin ang pagkakakilanlan ng may-ari ng kotse na tinatawag nilang “Boss Vic”.

Kinabukasan, sa tanggapan ng Land Transportation Office (LTO), napag-alaman ng BITAG na nakarehistro ang Toyota Vios SAA 2804 sa Municipality of Victoria, Laguna.

Nakapaloob sa Administrative Order No. 239 ang pagbabawal sa paggamit ng government vehicles sa mga personal na kapritso. Prebilehiyo itong ipinagkakaloob sa mga opisyal ng pamahalaan para sa mga opisyal ding lakad. Ang ganitong aktibidades ay maituturing na korapsyon.

Tinawagan namin ang mayor ng Victoria, Laguna na si Mayor Frankie Almeda upang tanungin kung alam nila kung bakit sa pampersonal ginagamit ang sasakyan.

Paliwanag niya, sa dating Vice Mayor nila naka-issue ang sasakyan ngunit nadawit ito sa isang aksidente kaya hinatak na ng GSIS. Tingin niya, ibinenta na ito ng GSIS through auction at hindi na nila alam kung sino ang bagong nagmamay-ari.

Ang tanong, kung naibenta na pala ang sasakyan sa iba e bakit pulang plaka pa rin ang gamit? Walang karapatan ang sinumang pribadong indibidwal na gumamit ng sasakyan ng gobyerno.

Nangako naman si Mayor Almeda na gagawa ng paraan para matunton ang gumagamit ng sasakyang nakarehistro pa rin sa munisipalidad nila. Kami naman sa BITAG, hindi titigil hanggat hindi nakakarinig ng paliwanag sa mga taong pinagsasamantalahan ang pagmamay-ari ng gobyerno.

Kuwidaw, gumana na ang BITAG night strikers. Maglalabas kami ng mga textline kung saan maaaring iparating ang mga sumbong, tips at impormasyon mula sa inyong mga komunidad. Abangan!

BITAG PAMBANSANG SUMBUNGAN
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with