Tiwala sa Diyos at sarili: Panlaban sa suicide
USAP TAYO - Pastor Joey Umali (Pang-masa) - September 28, 2019 - 12:00am

SA bawat 40 segundo, isa ang nagpapakamatay sa buong mundo.  Ito’y ayon sa ginawang pag-aaral ng World Health Organization (WHO). Karaniwan, mahigit sa 20 pagtatangka ang nangyayari muna bago magtagumpay ang nagpapakamatay. Ibig sabihin, kung magkakaroon lamang ng mga angkop na “interventions,” mapipigilan ang pagpapakamatay.

Dahil sa statistics ng WHO, ang pagpapakamatay o suicide ang ikalawang pangunahing dahilan ng kamatayan ng mga kabataan na nasa pagitan ng edad 15 at 29.  Ang nangunguna ay ang aksidente sa mga sasakyan.

Kahirapan ba ang karaniwang dahilan ng pagpapakamatay? Hindi! Ang totoo, ang mga bansang mayayaman at mauunlad ang may pinakamataas na “suicide rate.” Ayon sa WHO, ang karaniwang dahilan ng pagpapakamatay ay ang pagkaranas ng tunggalian, kalamidad, pang-aabuso, pagkawala ng isang importanteng tao o bagay, mababang pagpapahalaga sa sarili, pag-iisa at kawalan ng pag-asa. Kapag ang isang tao’y nawalan ng pag-asa, ang tinatawag na “will to live’ ay napapalitan ng “wish to die.”

Ang mga nabanggit na sitwasyon ay tinatawag sa pangkabuuan na “depression.” Ito’y isang malalang karamdaman na nakakaapekto sa ating pakiramdam, pag-iisip at pagkilos.  Nagbubunga ito ng matinding kalungkutan at pagkawala ng interest sa mga bagay na dating ginagawa.  Ano ang panlaban sa depression?

Isa lamang ang panlaban sa depression—ang ganap na pagtitiwala sa Diyos at sa sarili. Ang pagtitiwala na may isang Makapangyarihang Diyos na kokontrol sa mga bagay na hindi natin kontrolado. Kapag nawalan tayo ng kontrol sa sitwasyon at mga bagay-bagay, doon pumapasok ang pagkatakot at pagkawala ng pag-asa.  Dahil sa pagtitiwala sa Diyos, hindi tayo aabot sa punto ng sukdulang kawalang-pag-asa. Ang pag-asa’y laging bumabalong sa puso ng isang may pananampalataya.

Si Pablo na higante ng pananampalataya’y dumanas din ng “depression,” pero lagi siyang nakakabangon dahil sa pananampalataya sa Diyos.  Ganito ang testimonyo niya sa 2 Corinto 4:8-9, “Kabi-kabilaan ang pagpapahirap sa amin, ngunit hindi kami nalulupig. Kung minsa’y nababagabag, ngunit hindi kami nawawalan ng pag-asa.  Inuusig kami, ngunit hindi pinababayaan.  Napapatumba kami, ngunit hindi lubusang nailulugmok.”

Nangyayari ang pagpapakamatay sa panahon ng krisis.  Ang krisis ay isang “turning point,” isang mabigat na kalagayan na may dalawang pamimilian: mamatay o mabuhay, tuluyang bumagsak o makabangon, lumaban o sumuko.  Maaari nating labanan o takbuhan ang krisis, ang tawag ditto sa psycology ay “fight or flight.” Ang mga nagpapakamatay ay piniling takbuhan ang problema sa pamamagitan ng pagtapos sa kanilang buhay.

May isang magandang kuwento sa Bibliya: ang labanan ng higanteng si Goliath at ang musmos na si David. Tinalo ni David si Goliath dahil sa pagtitiwala sa Diyos at sa kanyang sarili. Tayo’y humaharap sa maraming Goliath sa ating panahon.

Sa pambansa:  katiwalian, pagsasamantala, kawalang-katarungan, kriminalidad, ilegal na droga, traffic, mataas na bilihin.  Talagang masisindak tayo ng mga Goliath na ito. Ngunit tandaan, may David sa ating mga puso, kung kaya maaari nating matalo ang mga Goliath.

Sa pansarili: karamdaman, kahirapan, kawalan ng oportunidad, wasak na relasyon sa pamilya. Maaari tayong itulak ng mga Goliath na ito na tapusin ang lahat sa mabilis na pamamaraan sa pamamagitan ng pagpapakamatay.  Ngunit may David sa ating mga puso.  Makakaya natin ang mga Goliath.

Magtiwala sa Diyos, magtiwala sa sarili.  Iyan ang simpleng pagharap sa masalimuot na buhay. Bilib sa iyo ang Diyos, kaya kailangang bumilib ka rin sa iyong sarili, sa magagawa mo sa harap ng krisis, pambansa man o pansarili.

SUICIDE
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with