EDITORYAL - Pati ambulansiya naiipit sa EDSA
(Pang-masa) - September 17, 2019 - 12:00am

GRABE na ang trapik hindi lamang sa EDSA kundi pati na rin sa maraming lansangan sa Metro Manila. Dahil sa matinding trapik, naiipit pati ang mga ambulansiya at namamatay ang pasyente na dadalhin sa ospital. Kaya ipinag-utos ni President Duterte noong nakaraang linggo na eskortan ng Highway Patrol Group (HPG) ang mga ambulansiya para makalusot sa trapik. Kung hindi ganito ang gagawin, maiipit sa trapik ang mga ambulansiya at may posibilidad na mamatay ang sakay na pasyente.

Gusto ng Presidente na maging maluwag ang trapiko sa Metro Manila, lalo na sa EDSA. Sabi niya noong nakaraang Hunyo, kakayaning mag-travel ng limang minuto mula Cubao, Quezon City hanggang Ayala Avenue, Makati. Gusto niya bago mag-Disyembre, makapagbiyahe ng ganun kabilis ang mga sasakyan at huwag mahirapan ang mamamayan.

Sabi naman ng Metro Manila Development Autho­rity bilang pagsang-ayon sa sinabi ng Presidente, kayang magbiyahe ng limang minuto mula Cubao pa-Ayala. Basta raw makakatulong nila ang Highway Patrol Group, Metro Manila, Land Transportation Office at Land Transportation, Franchising and Regulatory Board at local traffic enforcers, mangyayari ang mabilis na pagbiyahe. Magtutulung-tulong umano sila para malutas ang problemang trapik sa EDSA.

Maraming pumuna sa sinabi ng Presidente at ma­ging sa MMDA. Imposible raw na mangyari ang limang minutong biyahe mula Cubao patungong Ayala. Karaniwang dalawa hanggang tatlong oras ang biyahe sa mga nabanggit na lugar o higit pa.

Kahapon, nakaranas na naman nang grabeng trapik sa EDSA. Usad-pagong na naman ang mga sasakyan mula Timog hanggang Cubao. Wala na namang galawan kaya maraming empleyado na naman ang na-late sa trabaho. Kahit pa katulong na ng MMDA ang HPG, buhul-buhol pa rin ang trapik at tila wala na talagang solusyon kung paano mapapaluwag ang EDSA.

May nagpayo na gawing one way (south bound) ang EDSA para malutas ang trapik. Bakit hindi ito subukan? Mag-eksperimento. Ang pinaka-epektibo para sa amin ay ang pagpapabilis sa construction ng Skyway na nagdudugtong sa SLEX at NLEX. Kapag nabuksan ito, tiyak luluwag sa EDSA at iba pang kalsada. Sana, madaliin ito para mabawasan ang kalbaryo sa trapiko.

HIGHWAY PATROL GROUP
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with