Krimen, intriga at lesbiyana sa kalawakan
(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo (Pang-masa) - September 1, 2019 - 12:00am

NAKAKAPAGLARO ng imahinasyon ang napabalita noong nakaraang linggo tungkol sa isang babaing Amerikanong astronaut na si Anne McClain na inireklamo ng identity theft at ilegal umanong naghalungkat sa pribadong bank account ng kanyang dating asawa na si Summer Worden (na isang babae rin)  habang nagtatrabaho siya sa International Space Station. Inimbestigahan na ng National Aeronautics and Space Adminis­tration ng United States ang insidente. Itinuring ito sa Western media na unang krimeng nagawa sa kalawakan kahit hindi pa nalilitis at hindi pa napapatunayang nagkasala siya. Meron din kasing internet sa ISS kaya puwedeng mag-internet ang mga astronaut dito kahit nasa labas sila ng daigdig.

Nalantad tuloy sa publiko ang personal na buhay ni McClain lalo na ang pagiging lesbian niya bagaman hindi lang siya ang tibo na naging astronaut (isang halimbawa si Sally Ride na natuklasan lang ang pagiging tomboy makaraang mamatay noong 2012).

Tila naman hindi pinakikialaman ng NASA ang personal na buhay ng kanilang mga astronaut at walang umiiral na diskriminasyon anuman ang sexual orientation ng mga ito. Kaya, bakla ka man o tibo, kung kuwalipikado man, puwedeng maging astronaut.  Isa rin umano itong patunay sa nagiging ambag sa lipunan at sa mundo ng maraming miyembro ng LGBT (Lesbian-Gay-Bisexual-Transgender) community.

Pero maalaga sa pribado nilang buhay ang halos lahat ng mga astronaut. Bihira ang mga tulad ni McClain na nalalantad na lesbiyana. Wala nga ring napapaulat na baklang astronaut. Dahil nga marahil malihim ang mga astronaut sa personal nilang mga buhay at pinangangalagaan nila ang kanilang privacy na kung mabubunyag sa publiko ay maaaring makabuti o makasira sa kanilang career.

Malupit iyong pagtuturing sa western media na maaaring unang krimen sa kalawakan ang ginawa ni McClain dahil hindi pa ito napapatunayan. Pero anong batas at kaninong batas ang kanyang nilabag? Meron na bang sariling batas ang kalawakan? Sa kaso ni McClain, ginawa niya ang krimen habang nasa ISS siya na hindi naman solong pag-aari ng U.S. o ng NASA bagaman mamamayan ng U.S. ang naturang astronaut. At hawak naman ng  maraming bansa sa mundo ang ISS.

Isa itong isyung maaaring magbunga ng iba pang isyu. Sa gitna ng mga planong pagtayo ng kolonya ng tao sa buwan o sa planetang Mars, magkakaroon ba roon ng sariling mga batas o susundan nila o pagbabatayan ang mga batas mula sa daigdig?

Email: rbernardo2001@hotmail.com

KRIMEN
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with