Kung walang reseta, walang diskuwento sa senior citizen?
(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo (Pang-masa) - August 25, 2019 - 12:00am

KABILANG sa mahahalagang pribilehiyong ipinagkakaloob sa mga matatandang may edad nang mula 60-anyos pataas sa ilalim ng Expanded Senior Citizen Act of 2010 (Republic Act 9994) ang diskuwento at exemption sa value added tax sa mga gamot, medical supplies and equipment, medical and dental services sa mga pribadong pasilidad bukod pa sa coverage sa PhilHealth.

Malaking bagay ito sa mga senior citizen na nagretiro na sa trabaho o wala nang kakaya-hang makapagtrabaho lalo pa at kadalasan sa kanilang mga tumatanda nang edad ay may iba’t ibang problema na  sa kanilang kalusugan. Napakamahal ng mga maintenance tulad ng para sa hypertension, mataas na cholesterol, diabetes, sakit sa puso, sakit sa bato, rayuma at iba pa kaya kapaki-pakinabang para sa kanila ang makamura sa mga kinakailangan nilang gamot. 

Isa nga lang nakapagtatakang bagay sa pagbili ng mga gamot at medical supplies ang mga rekisitos para makadiskuwento ang isang senior citizen. Hindi kasi sapat ang magpakita lang ng identification card na ibinibigay ng kinauukulang ahensiya ng pamahalaan (kadalasan ay local government unit) sa mga senior citizen. Kailangan din nilang ipakita sa botika ang kanilang booklet (na iniisyu kasama ng senior citizen ID)  at ang reseta ng doktor.  Tiyak namang may makatwirang dahilan ang mga bumuo ng ganitong patakaran para marahil ibalanse ang interes ng negosyo ng mga botika pero sana ay isinaalang-alang ang maaaring maging iba’t ibang sitwasyon ng mga senior citizen.

Minsan, may nabasa akong himutok ng isang senior citizen sa Facebook hinggil sa kanyang pagkadismaya na hindi siya mabigyan ng diskuwento sa isang botika dahil wala siyang reseta ng doktor. Balewala ang ID. Bumibili siya ng isang kilalang gamot sa lagnat (isang klase ng over the counter na gamot) pero kailangan pa niyang magpakunsulta sa doktor (na siyempre ang consultation fee ay mas mahal pa kaysa sa presyo ng gamot na kailangan niya) para may maipakita siyang reseta sa botika.  Bukod sa mas magastos, malaki ring abala sa kanya.

Hindi malayong nangyayari rin ito sa ibang senior citizen na hindi nga lang magawang makaangal. Meron sa kanila na nakakalimutang dalhin ang ID o ang booklet o ang reseta sa pagpunta nila sa botika. Matagal nang batid ng marami sa atin na karaniwan nang nagiging malilimutin ang tao habang patanda siya nang patanda. Sabagay, may mga botika na kumikilala sa ibang valid ID kung wala ang senior citizen ID pero ibang kaso na pagdating sa booklet at reseta.

Bakit nga ba hindi puwedeng senior citizen ID lang ang ipakita? Maaaring for auditing purposes o baka nga kasi napepeke rin ang ID kaya kailangan ng supporting document tulad nga ng reseta ng duktor bukod pa sa booklet. Hindi naman dapat na maging pabigat ang ganitong mga rekisitos para sa mga biyayang matatanggap ng mga senior citizen pero sana ay merong mga konsiderasyon sa ilang mga sitwasyon na tulad ng kawalan ng reseta.

-oooooo-

Email: rbernardo2001@hotmail.com

 

SENIOR CITIZEN
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with