Talent supplier, nakikiusap sa higanteng network na bayaran na siya
BITAG - Ben Tulfo (Pang-masa) - August 24, 2019 - 12:00am

KAMAKAILAN, sumugod sa BITAG Action Center ang mga nagrereklamo laban sa isang talent manager ng sikat na palabas na FPJ’s “Ang Probinsyano”. Ang reklamo kay Irene Mariano Minor, nagtago na raw ito matapos makuha ang daan-daang libong pisong ininvest sa kanyang talent agency.

Ayon sa ABS-CBN, hindi accredited talent supplier ang inirereklamong si Irene Mariano Minor at banned na ito sa kanilang istasyon sa rami ng nagrereklamo laban sa kanya. Kaya panawagan ng BITAG, magpakita siya sa Pambansang Sumbungan Aksyon Ora Mismo at harapin ang mga nagrereklamo.

Ilang araw matapos i-ere ang sumbong ng investors, nagpakita ang inirereklamong si Irene sa aming tanggapan. Sasagutin niya raw ang mga reklamo laban sa kanya na kung tutuusin ay hindi naman daw problema. In fairness, nagkusa siyang pumunta sa aming tanggapan. Tanda ito ng kanyang paggalang at pagbibigay halaga sa mga reklamo laban sa kanya. Kaya binigyan namin siya ng kortesiya at pagkakataong magpaliwanag.

Kaharap ang mga nagrereklamo, ipinaliwanag niya kung bakit siya hirap magbalik ng kanilang pera. Ang siste, inaabonohan ni Irene ang professional fee ng kanyang talents na sumasalang sa “Ang Probinsyano” at iba pang programa ng ABS-CBN.

Ang problema, naubos na ang pondo kaaabono ni Irene dahil matagal daw magbayad ang ABS-CBN sa kanyang general contractor na Talent Agency. Hindi raw katulad sa ibang istasyon na kaliwaan o bayad agad pagkatapos magtrabaho ang talents, buwan ang pinalilipas ng ABS-CBN bago magbayad.

Ibig niyang sabihin, hindi siya makakapangutang at mababaon sa utang kung mabilis magbayad ang istasyon. Oras na nakabayad na raw kasi ang network, pambayad lamang iyon sa tubo ng kanyang mga inutang. Kaya ang siste, lunod siya sa pagbabayad. Mahirap kumbinsihin ang mga nagrereklamo na paniwalaan ang mga rason ng talent supplier. Hindi na raw kasi sila kinakausap ni Irene kaya sa BITAG na sila nagpatulong.

Sa totoo lang, talung-talo at nalalagay ngayon sa alanganin ang talent supplier. Bukod sa nag-isyu na siya ng mga tsekeng tumalbog na, may mga singilin pa raw siya sa ABS-CBN na hindi pa nito nababayaran.

Panawagan ni Irene at mga investors sa ABS-CBN, magbayad at ‘wag nang patagalin pa ang pag-release ng pera dahil nagkakandaletse-letse na ang kanilang negosyo. Milyones na ang kanyang utang kaya sa awa ay capital na lang ang hinihinging kabayaran ng financiers, wala nang tubo. Para sa pamunuan ng ABS-CBN, bukas ang aming tanggapan para sa inyong panig. Patas kami sa pag-iimbestiga at mas gusto namin na naririnig ang panig ng bawat isa.

TALENT SUPPLIER
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with