Karapat-dapat bang pag-alayan ng buhay ang Pilipino?
USAP TAYO - Pastor Joey Umali (Pang-masa) - August 24, 2019 - 12:00am

GINUNITA natin noong Agosto 21 ang ika-36 na taong kamatayan ni Benigno “Ninoy” Aquino, Jr. na binaril sa tarmac ng Manila International Airport (ngayon ay Ninoy Aquino International Airport) 36 taon na ang nakararaan. Ang pagpatay kay Ninoy ay naganap 11 taon matapos ideklara ni Presidente Ferdinand Marcos ang batas militar sa buong bansa. Isang mahigpit na kritiko ni Marcos, kabilang si Ninoy sa mga naunang inaresto at ikinulong dahil sa diumano’y paglaban sa gobyerno at pakikipag-ugnayan sa mga komunista.

Ang kamatayan ni Ninoy ang nagpaalab sa damdamin ng mga Pilipino upang labanan ang diktadurya hanggang sa ang rehimeng Marcos ay mapabagsak noong Pebrero 1986 sa isang mapayapang digmaan na kinilala sa buong daigdig na “EDSA People Power Revolution”.  Nabigo si Ninoy na maging Presidente ng Pilipinas. Ngunit ang kanyang maybahay na si Cory at anak na si Noynoy ay kapwa nanungkulang Presidente ng Pilipinas.

 May sinabi si Ninoy na naging isang bantog na kasabihan, “The Filipino is worth dying for.” Karapat-dapat pag-alayan ng buhay ang Pilipino. Tama kaya si Ninoy? Karapat-dapat bang ipaglaban ng patayan ang mga Pilipino?

Sa tuwing matatapos ang halalan at mananalo ang mga tiwali, ang mga walang alam, ang may mga kaso, ang mga nasa puwesto na wala namang ginawang mabuti, ang mga nagmula sa iisang pamilya, naitatanong ko sa aking sarili, karapat-dapat bang pag-alayan ng buhay ang Pilipino?

Sa tuwing tag-ulan na nagbabara ang mga estero dahil sa walang habas na pagtatapon ng basura o sa tuwing nakakakita ako ng mga taong walang kahiya-hiyang nagtatapon ng kalat sa mga lansangan at iba pang mga lugar pampubliko, naitatanong ko sa aking sarili, karapat-dapat bang pag-alayan ng buhay ang Pilipino?

Sa tuwing nakakakita ako ng mga motoristang walang patumanggang tumatawid kahit na red light o pumaparada kung saan may nakapaskil na “No Parking” o nagbababa kung saan may sign “No Loading and Unloading” o tumatawid kung saan may babalang “No Jaywalking,” dahil wala namang pulis na manghuhuli, naitatanong ko sa aking sarili, karapat-dapat bang pag-alayan ng buhay ang Pilipino?

Sa kabilang banda, sa tuwing nakakabalita ako ng isang taxi driver na nagsauli ng libu-libong dolar na naiwan ng isang turista sa sinasakyang taksi, nasasabi ko sa aking sarili, tama si Ninoy, karapat-dapat pag-alayan ng buhay ang Pilipino.

Sa tuwing nakakabalita ako ng mga karaniwang mamamayan na nagboluntaryong tumulong sa mga nasalanta ng kalamidad na walang hinihinging kapalit, nasasabi ko sa aking sarili, tama si Ninoy, karapat-dapat pag-aalayan ng buhay ang Pilipino.

Sa tuwing nakababalita ako ng mga Pilipinong bumalik sa Pilipinas, iniwan ang magandang buhay sa ibang bansa upang tumulong sa mga katutubong Pilipino, nasasabi ko sa aking sarili, tama si Ninoy, karapat-dapat pag-alayan ng buhay ang Pilipino.

 May pag-asa ang Pilipinas hangga’t may mga Pilipinong nagmamahal nang tapat sa Pilipinas. Hangga’t may mga nahahalal na pulitiko na maglulunsad ng totohanang mga pagbabago.  Hangga’t may mga mamamayang nagmamahal sa demokrasya, katarungan, at katotohanan. Hangga’t may mga kabataang mulat at may pakialam sa lipunan.

Tama si Ninoy, karapat-dapat pag-alayan ng buhay ang Pilipino. Hindi nasayang ang pag-aalay niya ng kanyang buhay at ng mga bayaning nauna sa kanya. The Filipino is worth dying for. Karapat-dapat pag-alayan ng buhay ang Pilipino.  Sana, isa ka sa mga Pilipinong ipagmamalaki ni Ninoy at ng iba pang bayaning Pilipino!

PILIPINO
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with