May dapat rebyuhin sa batas!
RESPONDE - Gus Abelgas (Pang-masa) - August 23, 2019 - 12:00am

Lumakas na ang panawagan partikular sa mismong mga mambabatas na marebyu ang ngayon eh kontrobersiyal na batas ang RA 10592 o ang conditional expanded Good Conduct Time Allowance (GCTA).

Batas ito na nagpapababa sa sentensiya ng isang bilanggo dahil sa kanyang naging ‘good behavior’ sa piitan.

Kung tutuusin, marami ang hindi nakakaalam sa batas na ito, ngayon na lamang matapos na umugong at malaman na isa si dating Calauan Mayor Antonio Sanchez ang isa sa mabebenepisyuhan nito at posibleng lumaya sa loob ng dalawang buwan.

Gaya ng dati muling sumagi sa isip ng marami nating kababayan ang naganap na karumaldumal na pagpatay sa UP students na sina Mary Eileen Sarmenta at Allan Gomez noong 1993.

Hindi makakalimutan ang krimen na ito, na maraming araw na nag-headline sa mga pahayagan at naging tampok na balita sa mga telebisyon at radyo.

Sinubaybayan nang husto hanggang hindi napapanagot ang may gawa.

Taong 1995 nahatulan ng guilty ang dating Mayor ng pitong habambuhay na pagkabilanggo o 40 taong pagkakulong (sa bawat isang term).

Ngayon muling bumabalik sa alaala hindi lamang ng pamilya nina Sarmenta at Gomez ang mapaiit nilang sinapit sa kamay ni Sanchez.

Galit ang taumbayan katunayan na bumuhos ang pagtuligsa dito sa social media.

Ito nga ay nang ianunsyo ng DOJ na kabilang si Sanchez sa may 11,000 bilanggo na posibleng mapalaya sa ilalim ng RA 10592, ah talagang sumambulat ang galit ng publiko.

Trending ang mga pagbatikos sa sinasabing paglaya nito.

Kaya ngayon hindi lang sa Senador maging sa Kamara, nais magsagawa ng imbestigasyon para alamin kung paano daw ba ang ginawang  computation sa kaso ni Sanchez.

Marami ang tutol dito,dapat daw  maipaliwanag paanong  nag-’good behavior’ ito eh may mga paglabag na nasumpungan dito kabilang nga ang nasamsam na shabu at marijuana habang nakakulong.

Ngayon magkakaroon ng problema sa naturang batas na nais ngang amyendahan ang mga mambabatas at planong huwag isama dito ang mga karumal-dumal na krimen kahit pa nga naging mabait ang sentensiyado sa piitan.

Dapat din umanong mabigyang pansin dito ang panig ng mga naging biktima at hindi lamang ng mga nasentensiyahan.

Malayo pa ang tatakbuhin ng isyu tungkol dito at ito ang isa sa ating aantabayanan.

GOOD CONDUCT TIME ALLOWANCE
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with