STL, okey na?
SUPALPAL! - Non Alquitran (Pang-masa) - August 23, 2019 - 12:00am

MAGSISIMULA na ang Small Town Lottery (STL) ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO). Humahangos na nag-report ang kosa ko na sa 81 na franchise operators ng STL, aabot lang sa 67 ang magpapatuloy ng kanilang operation.

Ang gagamitin ay ang 1-40 na winning combination na ang ibig sabihin ay may 1,600 na tsansang manalo ang tumataya. Pabor ito sa operators dahil bibihira ang mananalo rito sa sobrang dami ng kumbinasyon. Dati-rati kasi ang ginagamit ay 1-38 kaya ang tsansang mananalo ng mananaya ay 1,444 kaya malaki ang pag-asa na maiuwi ang premyong P900 sa tayang P1. Araguuyyy! Get’s n’yo mga kosa? Sa ngayon kasi, abala si PCSO chairwoman Ro-yina Garma sa pagrebisa ng Implementing Rules and Regulations (IRR) at Presumptive Monthly Revenue Receipt (PMRR) ng STL at malalaman kung babaguhin ito. Sa totoo lang, ang PMRR ay nagsilbing bond ng mga franchise operators subalit nilaro nila ito sa pamamagitan ng pagdeklara ng sobrang liit ng kubransa kada probinsiya at presto, kakarampot lang ang pitsa na nakarating sa PCSO.

Ang malaking bahagi naman ng kubransa ay gini-gerilya ng operators at ang 10 percent nito ay nagsilbing”under the table” sa mga janitor sa PCSO. Araguuyyyy! Hak hak hak! Malalaman sa susunod na mga araw kung sinu-sino ang kumita sa raket sa PMRR ng PCSO dahil tiyak kakasuhan sila ni President Digong ng plunder, ‘di ba mga kosa? Tumpak!

Ang natirang 14 STL franchise operators naman ay bibigyan ng 15 days para ayusin nila ang pagkakautang at iba pang bayarin sa PCSO. Kapag hindi sila nag-comply nito, ang PCSO na mismo ang pagpa-rebidding sa kanilang mga puwesto. Sa huling report na natanggap ko, aabot sa P11 bilyon ang pagkakautang ng STL franchise operators, lalo na yung hawak ng retired police at military officers, sa PCSO, ‘di ba mga kosa?

Kapag nasingil ito, aba mapopondohan na ang Universal Health Care (UHC) program ni Digong para sa may sakit na mahihirap. Araguuyyy! Ang bidding process kasi mga kosa ay aabutin ng anim na buwan at ganundin katagal bago mag-deliberate ang PCSO bago aprubahan ang bagong franchise. Kaya aabot sa isang taon, bago makapagsimulang mag-operate ang bagong franchise operator ng PCSO.

Kaya ang mungkahi ng mga kosa ko sa PCSO ay bantayang maigi ang 14 tiwaling STL franchise kasi sa loob ng mahabang isang taon, hindi nila mapigilang mag-operate ng ilegal para me pangkain ang kani-kanilang mga trabahador, kaya tiyak jueteng ang papasukin nila rito. Araguuyyy! Hak hak hak! Kaya tutulong ako sa PCSO para manmanan ang mga probinsiya na magpapalaro ng jueteng, di ba mga kosa? Hehehe! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan!

Sinabi pa ng kosa ko na nagpulong sa Macau kamakailan si Garma, ang consultant niya at ang opisyal ng gobyerno ni Digong at doon pinag-usapan kung paano ang magiging direksiyon ng panibagong STL. Isinara kasi ni Digong ang STL noong Hulyo dahil sa corruption at pilit iiwasan ni Garma ang 10 percent na “under the table” na umiiral sa PCSO bago siya umupo. Abangan!

PHILIPPINE CHARITY SWEEPSTAKES OFFICE SMALL TOWN LOTTERY
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with