EDITORYAL - Nagkalat ang mga palaboy sa Metro Manila
(Pang-masa) - August 22, 2019 - 12:00am

SIXTY days ang ibinigay na palugit ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa Metro Manila mayors para alisin ang mga sagabal sa kalsada. Lahat nang obstructions na nagdudulot ng pagsisikip ng trapiko ay nararapat tanggalin. Ito ay pagtalima sa utos ni Pres. Rodrigo Duterte noong nakaraang buwan sa inilahad sa kanyang SONA.

Mukha namang makakatupad ang mga mayor sa 60 araw na palugit ng DILG sapagkat marami na silang naalis na sagabal sa kalsada. Sa Maynila, Quezon City, San Juan, Parañaque ay kitang-kita ang pagbabago. Malinis na sa mga nakahambalang na sasakyan ang mga kalsada sa nabanggit na lungsod. Wala na ring vendors sa gitna ng kalsada. Hindi na rin mapanghi.

Pero may nalimutan ang DILG na dapat ay pinag-utos na rin kasabay sa paglilinis sa mga kalsada sa Metro Manila. Ito ay ang pagdami ng mga batang palaboy na nagdudulot ng panganib sapagkat nagiging marahas na kapag hindi nalimusan. Karamihan sa mga palaboy ay nagra-rugby.

Noong nakaraang buwan, nag-viral sa social media ang isang lalaking palaboy sa EDSA na nagbantang babatuhin ang isang motorista kapag hindi nagbigay ng P100. Isa pang insidente ay ang pambabato rin ng mga palaboy sa Osmeña Highway sa mga motoristang ayaw magbigay ng limos. Karaniwang panakot na ibabato ng mga palaboy ay dumi ng tao.

Nakakatakot na ang mga palaboy at maaaring makapatay sila kung hindi huhulihin at ipagkakaloob sa Department of Social Welfare and Development (DSWD). Kamakailan, isang jeepney driver na bumibiyahe sa Port Area, Maynila ang pinagtulungang bugbugin ng mga batang palaboy. Umakyat ang mga palaboy sa jeepney at tinangkang kunin ang perang kinita ng drayber. Lumaban ang drayber pero dahil may edad na, hindi siya umubra sa mga palaboy. Pinagsusuntok siya at sinipa. Makaraang bugbugin, tinangay ang kanyang kinita at mabilis na tumakas ang mga palaboy. Isang pangyayari pa na halos ganito rin ang eksena ay nang pagtulungan ng mga palaboy ang isang babaing pasahero ng jeepney sa Macapagal Blvd. nang tumangging ibigay ang hawak na hamburger.

Ipag-utos din ng DILG sa Metro mayors na linisin ang mga lansangan sa nagkalat na palaboy. Katulong ang DSWD at PNP para maalis sa lansangan ang mga palaboy na nagdudulot ng panganib sa mga motorista at pasahero.

DEPARTMENT OF INTERIOR AND LOCAL GOVERNMENT
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with