Digital na Kongreso
(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo (Pang-masa) - August 11, 2019 - 12:00am

NAPAULAT na nakatawag ng pansin sa ilang environmental group ang bagong hakbang ng mababang kapulungan ng Kongreso na gawing digital ang mga operasyon nito na nangangahulugang babawasan na ang paggamit ng mga papel sa mga trabaho ng mga mambabatas at ng mga empleyado nito. Paglalaanan ng tablet ang 300 miyembro ng Kamara na daan para makatipid ito nang malaki (P6 na milyon ang tinayang magagastos para sa android tablet kada taon habang P9 milyon ang taunang badyet sa mga papel).

Noong araw pa ito dapat ginawa ng Kongreso dahil napa-katagal nang umiiral sa bansa ang digital technology pero hindi pa naman huli ang lahat.

Ayon kay Jovito Benosa, zero waste campaigner ng EcoWaste Coalition, ang naturang hakbang ng Kongreso sa paperless transaction ay makakabawas ng gastos sa pagbili ng mga papel at pag-imprenta ng makakapal na dokumento tulad ng mga panukalang-batas na hindi naman lahat ay napapagtibay at nagiging ganap na batas.

Sinabi naman ni Sonia Mendoza, tagapangulo ng Mother Earth Foundation, mababawasan din ang gastusin ng Kongreso hindi lang sa bond paper kundi pati na rin sa tinta, toner at ibang supplies. Maaaring magamit ang perang matitipid dito sa makahulugang mga programa na makakatugon sa saligang pangangailangan ng mamamayan.

Para naman kay Beau Baconguis, plastic campaigner ng Global Alliance  for Incinerator Alternatives-Asia Pacific, mapapag-ibayo sa repormang ito ng Kongreso ang legislative transparency at dapat suportahan ang pagiging paperless nito bilang paraan ng komunikasyon. Pero dapat anyang meron ding pagkakataon na makapag-print kung kailangan dahil may mga sektor ng lipunan na walang access sa digital information. Umaasa rin siya na maging paperless din ang ibang ahensiya ng pamahalaan.

Iminumungkahi naman ng pangulo ng Concerned Citizens Advocating Philippine Environmental Sustainability na si Esther Pacheco na pabor din siya na maging paperless ang Kongreso pero, kung kailangan, gumamit lang ng papel para sa mga kagyat at pangkagipitang komunikasyon.

Sa panig ni Rene Pineda, pangulo ng Consumer Rights for Safe Food, sinabi niya na sa naturang hakbang ay mababawasan ang espasyo na ginagamit sa pag-iimbak ng mga legislative document na madalas na pini-print sa napakaraming kopya at mababawasan din ang oras ng mga tauhan ng Kongreso sa pagmamantini ng ganitong mga dokumento. Sa mas masinop na operasyon sa paperless transaction, umaasa sila na mas bibilis ang deliberasyon sa mahahalagang mga panukalang-batas lalo na sa mga may kinalaman sa kapaligiran at kalusugan tulad ng pagbabawal sa single-use plastic, importasyon ng mga basura mula sa ibang bansa at nakalalasong kemikal, product at processes.

Email: rbernardo2001@hotmail.com

KONGRESO
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with