Negosyong parking sa Divisoria, umiinit!
SUPALPAL - Non Alquitran (Pang-masa) - August 5, 2019 - 12:00am

NAGBABADYANG dumanak ang dugo sa Divisoria, dahil sa agawan ng parking space na malaking pagkaka­kitaan ngayon. Nagbabanta kasi si alyas Thelma na makikipagpatayan siya kapag inagaw ang parking lot niya sa Asuncion-Recto Station sa Binondo side. Siyempre, walang ibang gustong umagaw sa puwesto ni Thelma kundi ang mag-inang Melda at Nerissa. Bagyo talaga sina Melda at Nerissa dahil sa relasyon ng huli kay Mr. Luy, na dating bata ni Dennis Alcoreza, ang tigre ng Maynila, na lumayas matapos matalo ang amo niyang si Erap Estrada. Sa ngayon, palaging nakatambay si Mr. Luy sa opisina ni Dennis Viaje, ang hepe ng MTPB ni idol Mayor Francisco Domagoso at nagbabakasakali na makapambola siya at bumalik ang bertud niya. Sina Melda at Nerissa ay humahagulgol nang pinatawag ng SMART at kinausap behind closed doors. Dapat alamin ni Domagoso kay Maj. Rosalino Ibay, ng SMART, kung ano ang pinag-usapan nila nina Melda at Nerissa dahil hindi naman sila huminto sa ilegal na lakad nila. Pati kuliglig may koleksiyon na rin ang mag-ina at ang anak ni Nerissa na si Patricia ang kolektor, anang mga kosa ko. Araguuyyy! Hak hak hak! Ano kaya ang kinalaman ng sinasabi ni kosang Jerry Yap na “Smart Padala” dito sa relasyon ng Smart at Melda at Nerissa?

Dito sa parking lot na sakop ng Station 11 ng MPD nagpapahinga ang mga sasakyan na galing probinsiya na may kargang mga gulay at iba pang produktong paninda. Ang bayad sa magdamag na parking para sa trak ay P1,000 samantalang ang sa PUJ naman ay P500. Kaya malaking pitsa talaga ang umiikot d’yan sa pinag-agawang parking lot. Sinabi naman ni kosang Larry Pernia na ang parking sa Divisoria ay P100 kapag matagal ka plus pa ang P20 para sa barangay. Kapag sandali ka lang P60 ang babayaran at P20 din sa barangay. Sa Binondo naman P50 ang singil at kapwa nagbibigay ng tiket na ewan kung peke o legal. Kaya pala nag-aaway ang tropa nina Thelma at Melda at Nerissa eh maliwanag pa sa sikat ng araw na tubong lugaw sila. Araguuyyy! Noong panahon ni Erap aabot sa P6 milyon weekly ang naiipon sa illegal parking sa buong Maynila at alam ‘yan ni Domagoso dahil siya ang may hawak nito noong vice mayor pa siya. Hak hak hak! Tuloy naman ang raket na ito di ba idol?

Nais kong liwanagin dito sa Supalpal na hindi ko inaaway si Domagoso at sang-ayon ako sa lahat ng proyekto na namutawi sa bunganga niya. Sino ba naman ang ayaw bumalik sa old Glory days nitong Maynila? Kaya tinugunan ko mga kosa ang panawagan ni Domagoso na tulungan siya na mabago ang Maynila sa pamamagitan ng pagparating ng mga reklamo sa kanya para aksiyunan n’ya.

Kaya naman naging topic ng Supalpal sina Melda at Nerissa dahil halos lahat na organizers ng vendor sa Divisoria ay nahuli na subalit itong dalawa at mga alipores nila ay tuloy naman ang ligaya. Ewan ko ba kung bakit sa Supalpal lumalapit ang mga kapwa ko maliliit, mahihirap at ginigipit na Manileño para iparating kay Idol ang mga hinaing nila? Kung walang reklamo, eh di wala rin akong maisusulat sa Supalpal, di ba mga kosa? Kaya uulitin ko walang personalan sa mga lumalabas sa Supalpal! Trabaho lang! Abangan!

PARKING
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with