Dapat nang buwagin ang PCSO
USAP TAYO - Pastor Joey Umali (Pang-masa) - August 3, 2019 - 12:00am

NASA dugo raw natin ang sugal, bahagi ng kulturang Pinoy, kung kaya’t napakahirap ipagbawal at sugpuin. Marami ang ini­aasa ang magandang kinabukasan sa suwerteng dala ng panalo sa sugal. Kaya’t sa kabila ng mahigpit na pagbabawal ay hindi masugpu-sugpo ang jueteng.  Dahil dito, bukod sa tradisyunal na sweepstakes, inilunsad ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang lotto, keno, at small town lottery.

Karaniwan na nating maririnig ang ganitong dayalogo, “Kapag tumama ako sa lotto.” Ang pagtama sa lotto ang tinatanaw na ta-nging paraan ng pag-ahon sa kahirapan.  Kamakailan, ang  lotto mismo ang tinamaan nang iutos ni Presidente Duterte ang pagpapatigil sa lahat ng sugal na pinatatakbo ng PCSO dahil sa malawakang katiwalian. Ayon sa Malacañang, 70 porsiyento ng kita ng PCSO ay ibinubulsa lamang ng mga tiwaling opisyal ng gobyerno.

Napakaraming umalma kaagad sa utos ng Presidente. Diumano ay maaapektuhan ang libu-libong mahihirap na umaasa sa tulong ng PCSO sa kanilang pagpapagamot.  Ayon sa Department of Health, noong 2017, umaabot sa kalahating milyong mahihirap ang natulungan ng P7.9 bilyong pondo na nagmula sa PCSO. Maaapektuhan din ang daan-daang nagtatrabaho sa mga PCSO outlets. Pinangangambahan din na maaapektuhan ang implementasyon ng batas tungkol sa Universal Health Care (UHC).  Bagamat ayon sa Department of Finance (DOF), umaabot lamang sa 1.2 porsiyento ang magiging kontribusyon ng PCSO sa kabuuang P257 bilyong pondo na kailangan sa pagpapatupad ng UHC. Maraming iba pang maaaring panggalingan ng pondo, ayon sa DOF.

Suma total, hindi hihinto ang buhay nating mga Pilipino, lalo na ang mahihirap, sa paghinto ng mga sugal na pinatatakbo ng PCSO. Ako’y syento porsyentong sang-ayon sa utos ni Presidente Duterte, bagamat binawi niya kaagad ang pagpapatigil sa lotto. Para sa akin, ang kailangan ay hindi lamang pansamantalang pagpapatigil, kundi tuluyan nang pagbabawal sa mga sugal na pinatatakbo ng PCSO.  Sa madaling salita, ang PCSO ay dapat nang buwagin.

Ang pagbuwag sa PCSO ay magiging isang makapangyarihang deklarasyon ng seryosong paninindigan para sa pagwasak sa kultura ng katiwalian at sugal. Isunod na rin ang pagbuwag sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na nagpapatakbo naman ng casino. Bagamat napakalaking hamon nito, sapagkat ang PAGCOR ang sumusunod sa Bureau of Internal Revenue at Bureau of Customs sa pagpapanhik ng pondo sa kaban ng gobyerno.

Kapag nagtagumpay si Presidente Duterte sa pagbuwag sa kultura ng katiwalian at sugal, makapag-iiwan siya ng walang-kamatayang pamana na magtataas sa dangal ng mga Pilipino.  Hari nawa, seryoso ang Presidente at walang katotohanan ang mga bulung-bulungan na may maimpluwensyang grupo na nais lamang agawin sa PCSO ang operasyon ng mga sugal.

Kung nais nating mapabilang sa liga ng mga bansang mauunlad, kailangan nating talikuran ang pagdepende sa swerte.  Kailangan nating buwagin ang lahat ng uri ng sugal, legal man o ilegal. Kailangan nating magtiwala sa sarili nating kakayahan. Kailangan nating maniwala na pinagpapala ng Diyos ang mga masipag, masikap at matiyaga.

Makakakuha tayo ng inspirasyon sa mga langgam. Ganito ang wika sa Kawikaan 6:6-8, “Tingnan mo ang mga langgam, ikaw na taong ubod ng tamad, pamumuhay niya’y masdan mo at nang ikaw ay mamulat. Kahit sila’y walang pinunong sa kanila’y nag-uutos, walang tagapamahala o tagamasid na sinusunod, ngunit nag-iimbak ng pagkain sa tag-araw, kailanga’y iniipon kung panahon ng tag-ulan.”

Kung ang mga langgam ay pinagpapala ng Diyos dahil sa kanilang sipag, sikap at tiyaga, ikaw pa kayang tao na nilikha ayon sa Kanyang larawan?

PCSO
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with