Ang Buwan sa buhay ng Pinoy
(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo (Pang-masa) - July 28, 2019 - 12:00am

HINDI masyadong maingay dito sa atin sa Pilipinas ang paggunita sa unang pagtapak ng tao sa Buwan noong Hulyo 20, 1969 kahit inuulat ito sa international media. Maaaring dahil hindi “feel’ nang marami sa kasalukuyang henerasyon ng mga Pilipino ang paggunita sa tinatawag na “one small step for man, one giant leap for mankind” nang unang tumapak sa Buwan ang Amerikanong astronaut na si Neil Armstrong may 50 taon na ang nakakaraan. 

Bukod sa napakatagal na, hindi siya naging bahagi ng buhay ng mga Pilipino na hindi tulad ng mga Amerikano na taun-taon yata ay ipinagdiriwang ito na kauna-unawa naman dahil bansa nila ang may kagagawan kaya nakarating at nakatapak sa Buwan ang tao. Makabuluhan lang ang buwan sa ilang aspeto ng buhay ng mga Pilipino tulad sa relihiyon, romansa at literatura.

Mula 1969 hanggang 1972 ay may 12 Amerikanong astronaut ang nakatapak at nakapaglakad sa lupain ng Buwan sa ilalim ng Apollo program ng National Aeronautics and Space Administration ng United States. Pero hindi na ito naulit pagkatapos ng 1972. Sa kasalukuyan ay merong plano ang NASA na bumalik muli sa Buwan at magtayo roon ng base o kampo o kolonya pero mukhang matatagalan pa ito sa iba’t ibang kadahilanan.  May ganito ring  balak ang Russia, European Space Agency, China, India, Japan, Korea at iba pang bansang merong space program at kahit ang mga pribadong kompanya na ginawang negosyo ang space exploration.

Saan papasok dito ang Pilipinas?

Bagaman merong mga Pilipinong nagtatrabaho sa NASA, wala pa sa kanila na naitatalagang maging astronaut at tumuntong man lang kahit sa International Space Station at, dahil sa Amerika sila naninirahan at nagtatrabaho, anumang naiaambag nila ay para sa US lamang kahit pa sabihing para sa buong sangkatauhan ang anumang mga pananaliksik, pag-unlad, kaganapan, at iba pang bagay at usaping may kinalaman sa astronomiya o space exploration.

Pero hindi naman siguro mapapag-iwanan ang bansa natin lalo na kung matutuloy ang panukalang pagtatatayo ng sariling space agency ng Pilipinas. Kung magkakaroon tayo ng sariling space program, hindi na makukulong sa “solar eclipse” at “lunar eclipse” ang interes ng maraming Pilipino sa astronomiya.

Meron namang kasunduan ang mga bansa sa mundo na walang sino man o walang bansa ang maaaring makaangkin sa buwan at iba pang mga planeta sa kalawakan. Bawat isa ay nagbabahagi sa iba ng mga kaalaman, pasilidad, teknolohiya at mga kagamitang may kinalaman sa space exploration. Sa katunayan, ang operasyon ng international space station na nasa low orbit ng mundo ay pinagtutulungan ng US, Russia, Japan, Europe at Canada. Kaya hindi pa huli kung magkakaroon ng space agency at space program ang Pilipinas dahil makikinabang din ito sa mga naging pag-unlad ng mundo sa larangan ng astronomiya.

(Email: rbernardo2001@hotmail.com)

PINOY
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with