EDITORYAL - Department of OFWs
(Pang-masa) - July 18, 2019 - 12:00am

MALAKI ang naitulong ng mga overseas Filipino Workers (OFWs) sa bansa. Kung wala ang mga OFWs nang magkaroon ng financial crisis sa Asia noong dekada 90, tiyak na humilahod na ang Pilipinas. Dahil sa pinadadalang dollars ng OFWs, nakabangon ang bansa at sumigla ang kalakalan. Ang mga OFW ang may pinakamalaking kontribusyon sa pag-unlad ng ekonomiya dahil sa ipinadadala nilang remittance money. Mula noon hanggang ngayon, ang mga OFW ang sumasagip sa sumusubsob na ekonomiya. Kaya nga sila tinawag na mga ‘‘bagong bayani’’.

Pero sa kabila ng kabayanihang ginampanan ng mga OFW, walang naisip na paraan ang mga nakaraang administrasyon kung paano lubos na mapaglilingkuran o magagantihan ang ginagawang pagsasakripisyo ng mga OFW.

Mula pa dekada 70 nagsimulang mangibang bansa ang mga manggagawang Pinoy pero wala man lang sa mga nakaraang Presidente ng bansa na makapagtatag ng isang departamento o tanggapan na tututok sa kalagayan ng OFWs. Mahusay lamang sila sa pagpuri sa mga nagagawa ng mga OFW pero wala silang maidulot sa mga ito para masuklian sa ginagawang kabayanihan. Wala man lang maipakitang pagmamalasakit sa mga manggagawang nagtitiis mawalay sa mga mahal sa buhay. Mayroong OFWs na halos masiraan ng ulo dahil sa pang-aabuso ng employer pero walang ginagawang hakbang ang gobyerno para matulungan.

Mayroong OFWs na nakasalang na sa bibitayin pero hindi pa namamalayan ng pamahalaan o maski ng nakakasakop na embahada. Mayroong mga domestic helpers na tumatakas sa amo at walang masilungan. Maraming OFWs na niloko ng recruiters at wala silang magawang paraan kung paano babalik sa bansa. Maraming nagkakasakit na OFWs at hindi nila alam kung paano magpapagamot.

Sabi ni President Duterte noong Biyernes sa Araw ng Pasasalamat sa OFWs na ginanap sa Camp Aguinaldo, ipinaaapura na niya ang pagtatatag ng Department of OFWs. Gusto niya, meron na nito sa darating na Disyembre. Gusto niya na merong isang tanggapan na titingin sa kalagayan at mga problema ng OFWs. Binalaan din niya ang mga recruiters na itigil na ang masamang gawain.

Ito ang matagal nang inaasam ng mga “bagong bayani”. Panahon na para maibalik sa mga ito ang mga nagawang kabayanihan sa bayan.

OVERSEAS FILIPINO WORKERS
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with