Bait-baitang kapit-bahay
DIKLAP - Ms. Anne (Pang-masa) - July 12, 2019 - 12:00am

MAGALING mag-bait-baitan ang kapitbahay naming ito. Malambing siyang makipag-usap. Maboladas. Tapos may gagawin siyang kabutihan sa iyo para may pautang na loob siya sa iyo. Halimbawa, alam niyang nagkukumahog ka sa paghahanap ng katulong, bigla niyang irerekomenda ang kanyang mga pamangking nakikitira sa kanya mula sa malayong probinsiya at naghahanap ng kahit anong pagkakakitaan. Tiwala ka naman dahil kamag-anak niya ang inirekomenda, kaya tatanggapin mo ito. Siyempre, pasok ka na sa bitag niya. Kapag nahalata niyang magkasundo na kayo ng kanyang pamangkin na namamasukan sa iyo, bigla iyang hihingi ng pabor sa iyo. Kumbaga, oras na para maningil ng pautang na loob sa iyo. Hindi siya namimili ng oras. Feeling “privilege” porque may pautang na loob siya sa iyo. Kahit pa ito umagang-umaga na hindi ka pa nakakapagmumog ay kakatok iyan para mangutang.

Kaso sa simula pa lang ay naaamoy na namin ang kanyang ugali. Ibang-iba ang taong genuine ang kabutihan. Mas maliwanag pa sa sikat ng araw ang kaibahan ng kilos ng taong plastic. So ‘yung pag-utang niya ay hindi nakalusot. Hindi ko siya pinautang. “Wala ho akong extra budget, sorry.” Ganoon lang kasimple. Pinalampas lang ang isang buwan matapos ang “utangan portion”, biglang nagpaalam ang pamangkin nito na aalis na raw siya. May child star daw na kumukuha sa kanya para magsilbing yaya. Owws…sa loob-loob ko lang. Pumasa kaya kapag nalaman ng employer na may pyorrhoea ito?

Actually, inaasahan ko na iyon. Gaganti ang kapitbahay na ito dahil hindi nakautang. Alam niyang mapipilayan ako kapag nawalan ng katulong. Isa pa lang ang anak ko noon na tatlong taon at buntis pa ako. Pero hindi nagdalawang salita ang katulong. Gabi nang magpaalam. Hindi ko na ito hinayaang maghapunan at tumulog sa aming bahay. Katapat lang ng bahay namin ang bahay ng tiyahin nito. Matapos kong ibigay ang huling suweldo ay pinasibat ko na ito. Nagulat marahil ang tiyahin kung bakit walang paghahabol na nangyari at buong laya na nakapag-resign ang kanyang pamangkin. Later on, nalaman kong wala naman pala itong pag-aaplayang artista. Pa-epek lang ng tiyahin para magkunwaring in-demand ang kanyang pamangkin.

Walang kamalay-malay ang katulong na kinausap kami ng aking kaibigang dentista nang minsang dinala namin ito sa clinic para magpabunot. “Huwag ninyong ipapahalik ang inyong anak sa katulong. May pyorrhoea siya. Infection ito sa gums.”

Noong panahong iyon ay sa amin pa nakatira ang nanay ko. Siya ang nag-aalaga ng aking anak. Kumuha lang kami ng katulong para ito ang maglinis ng bahay at maglaba ng aming damit. Pero hindi kami kumportable na may kasama kami sa bahay na infected ang bibig. Ibinigay ng tadhana ang magandang pagkakataon na umalis sa aming poder ang isang katulong dahil sa sarili niyang kagustuhan. Masamang tingnan na nagpalayas ka ng katulong nang wala naman itong pagkukulang.

Iyon ang naaalala ko  tuwing tinitingnan ko ang abandonadong bahay sa aming tapat. Mahigit dalawang dekada na itong nakatiwangwang. Nadiskaril ang buhay ng aming kapitbahay. Nagkawatak-watak ang kanyang pamilya simula nang makulong ito dahil sa estafa.

BAHAY
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with