Sukatan ng talino at kakayahan ng estudyante
(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo (Pang-masa) - July 7, 2019 - 12:00am

ANO nga ba ang sukatan ng talino at kakayahan ng isang kabataang estudyante?  Sapat na bang basihan ng talino kung ang grado niya sa klase ay 1.0, pasado sa lahat ng subject at naging valedictorian sa graduating class sa high school? Bobo ba, hindi marunong, inutil  at walang kakayahan ang mga namamarkahan ng 79 o 75 o ibang mas mabababang grado o iyong mga bumabagsak sa klase?

Matagal nang may mga argumento sa sistemang ito ng edukasyon partikular dito sa ating bansa na ang talino at kakayahan ng estudyante ay halos ibinabatay sa gradong nakukuha niya sa klase. Pero may mga taong naging matagumpay at umasenso sa buhay kahit naging mababa ang grade nila o bumagsak pa sa klase noong nag-aaral pa sila. Sa katunayan, may mga college graduate na sa kabila ng matataas na marka sa klase at natamong maraming karangalan sa akademiya ay hirap makahanap ng trabaho o kung nagkatrabaho man ay walang kaugnayan sa kanilang pinag-aralan.

Isa rin pala sa nakapansin sa depekto sa sistemang ito si Labor Secretary Silvestre Bello III na  naniniwalang hindi dapat bigyan ng bagsak na grado ang mga estudyante dahil lalo lamang malulugmok ang mga ito sa kahirapan sa halip na magkaroon ng pagkakataong umasenso ang kinabukasan.

Ipinalabas ni Bello ang kanyang pananaw sa World Day Against Child Labor 2019 na may temang “Hayaan ang mga Batang Mangarap nang Huwag Malugmok sa Trabahong Mahirap” na idinaos sa teatro ng GSIS kahapon.

Kung sa elementary at high school ay nakakitaan ng mahina sa pag-aaral ang mga estudyante, hindi aniya ito nangangahulugan na hanggang doon na lamang o mananatiling mahina sa pag-aaral hanggang sa kolehiyo o hindi makararating sa tagumpay. Tila ang pinatutungkulan ng kalihim ay ang mga nag-aaral pa lang sa elementary at high school. Ipinaliwanag niya na mayroong tinatawag na mga late-bloomer, o naging produktibo at lumabas na brilliant students nang sumapit na sa kolehiyo.

Inihalimbawa ng kalihim ang kanyang sarili na dahil nagsawa sa pagdalo sa every Friday mass ay napatalsik siya sa San Beda College. Nag-enroll siya sa ibang eskuwelahan at kumuha ng Law, naging abogado at nakapagtrabaho sa gobyerno.

Binanggit din ng kalihim na nagkaroon siya ng estudyante na walang naipasang exam sa kanya, na kanyang binigyang pagkakataon na may maipasang examination ngunit wala ring nangyari.

Ngunit dahil  patakaran niya  ang hindi pagbibigay ng bagsak na grado, binigyan niya na lamang ng 75 percent ang nasabing estudyante na nagsabi sa kanya na kung hindi siya makapapasa ay “kawawa ang kanyang pamilya”. Ipinagmamalaki ng kalihim na ang nasabing estudyante ay si NBI director Dante Gierran.

Kaugnay nito, pinayuhan ng kalihim ang mga kabataan na mag-aral na mabuti, tapusin ang pag-aaral dahil ang edukasyon ang best anathema against child labor. 

Anumang reaksyon ay i-email sa rbernardo2001@hotmail.com

ESTUDYANTE
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with