Meralco, nagbabala vs raket sa bill ng kuryente!
SUPALPAL - Non Alquitran (Pang-masa) - July 3, 2019 - 12:00am

NAGBABALA ang pamunuan ng Manila Electric Company (Meralco) tungkol sa raket ng isang sindikato na nililimas ang bulsa ng kanilang mga kliyente sa pangakong babawasan ang bayad ng bill nila ng kuryente. Nagpalabas ng babala si Joe Zaldariaga, spokesman ng Meralco, matapos maaresto ang tatlo katao na nangikil ng P7,000 sa isang kliyente nila subalit hindi naman naisakatuparan ang pangako na maibaba ang monthly bill nila ng kuryente. Iginiit ni Zaldariaga na kung nais ng kanilang kliyente na bumaba ang bill nila sa kuryente, wala silang ibang gagawin kundi sundin ang safety tips ng Meralco dahil tiyak bababa ang babayaran nila. Subalit sa ibang pamamaraan na hindi saklaw ng Meralco ay tiyak raket lang ito at ang palaging kawawa ay ang mga nabiktima ng sindikato. Araguuyyy! Iba’t ibang raket pa ang naririnig ng mga opisyales ng Meralco subalit hindi naman sila makakilos kapag walang magrereklamo, ‘di ba mga kosa? Hak hak hak! Kaya sa mga nabiktima ng sindikato riyan, makipag-coordinate lang kayo sa Meralco at presto....sa likod ng rehas na bakal ang diretso nitong mga manggagantso, ‘di ba mga kosa? 
Sa totoo lang, aksidenteng napasali sa isang chat group sa FB si Israel dela Cruz ng Caloocan City at ewan ko ba kung bakit napunta sa bill ng kuryente ang usapan. Nahikayat ng sindikato si Dela Cruz noong nakaraang Abril na puwede nilang pababaan ang monthly billing nito kapalit ng halagang P7,000. Siyempre, sino ba ang ayaw bumaba ang babayarang bill? Hehehe! Kumagat si Dela Cruz at nagbayad kaagad ng P7,000. Subalit ang kaligayahan niya na bababa ang babayarang kuryente ay nauwi sa kalungkutan dahil pagdating ng bill niya para sa buwan ng Abril ay wala namang nabawas dito. Nagpupuyos sa galit si Dela Cruz subalit ano naman ang magagawa niya, hindi naman sila nakapag-eyeball ng mga kausap niya sa FB. Ang masaya lang, mukhang naubos ang perang nagantso ng sindikato kay Dela Cruz at sa akalang wala pa itong suspetsa sa raket nila ay muling kumontak sa biktima at humingi uli ng P7,000 para maisakatuparan ang kanilang plano. At dahil nahimasmasan na si Dela Cruz, inireport niya sa Meralco ang extortion racket kaya sa tulong ni Col. Moises Villaceran, hepe ng Mandaluyong City police, pinlanong ma-entrap ang mga miyembro ng sindikato. Nagkasundo ang dalawang panig na magkita sa gasoline station sa kanto ng EDSA at Boni Ave., sa Bgy. Barangka Ilaya noong nakaraang linggo. Matapos mag-abutan ng pitsa, inaresto ng mga tauhan ni Villaceran sina Niño Bermudez, 33; Junaid Comadug, 32, at Mary Jane Nituya, 28, na hindi naman nakapalag, di ba Sir Larry Joseph Sillesa, ang Corporate Communication Associate ng Meralco? Hak hak hak! Sa kagustuhang kumita ng pitsa na hindi pinagpawisan, hayun sa likod ng rehas nagkukuya-kuyakoy ang tatlong miyembro ng sindikato.
Malakas ang paniniwala ni kosang Joe na marami pang nabiktima sina Comadug, Bermudez at Nituya kaya hinihikayat niya ang mga ito na lumabas at magsampa ng reklamo para madagdagan ang kaso ng tatlo at mamuti ang buhok nila sa kulungan. Abangan!

MERALCO
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with