Tunay bang relihiyon ang kapa?
USAP TAYO - Pastor Joey Umali (Pang-masa) - June 29, 2019 - 12:00am

NOONG ako’y nag-aaral sa seminaryo, itinuro sa amin na ang iglesya ay isang komunidad ng mga tunay na mananampalataya sa ilalim ng pamamahala ni Hesus, kung saan itinuturo ang Salita ng Diyos at ang mga Sakramento ay ipinagdiriwang ayon sa atas Niya. Sa iglesya, isinasagawa ang pananambahan, pagpapatibay sa mga mananampalataya, at mga misyon para sa ikaliligtas ng daigdig.

Nagulat ako nang isang organisasyong relihiyoso sa pangalang Kapa Community Ministry International, Inc., na pinangungunahan ni Pastor Joel Apolinario, ang sinampahan ng kasong kriminal ng Securities and Exchange Commission (SEC) dahil sa pagkakaroon ng  mala-king kayamanan na nakuha sa pamamagitan ng isang investment scam. Ayon kay SEC Chairman Emilio Aquino, ginamit ng Kapa ang relihiyon upang malinlang ang publiko. Ayon sa kanya, ang Kapa ay may P50 bilyong kayamanan na nalikom sa mahigit 5 milyong miyembro nito.

Ayon sa SEC, gumagamit ang Kapa ng Ponzi Scheme, isang programa sa pamumuhunan na nagbibigay ng napakalaking patubo at binabayaran ang mga mamumuhunan mula sa pera ng iba pang mamumuhunan. Ginagamit ng Kapa ang ilang pamamaraang pang-iglesya para sa operasyon nito.  Inaamuki nito ang mga tao na magbigay ng donasyon na ang pinakamababang halaga ay P10,000, kapalit ng buwanan at panghabambuhay na tubo na 30% ng donasyon. Ang tubo ay tinatawag na “blessing” o “love gift.” Kagulat-gulat ang napakalaking tubo, kumpara sa mga banko na ang karaniwang pinakamataas na tubo ay 5% lamang sa loob ng isang taon. O maging ng tubo sa tinatawag na mga blue-chips sa stock market na katulad ng Ayala, na umaabot lamang sa pinakamataas na 7% bawat taon.

Hanggang ngayon, wala pang isa mang miyembro ng Kapa ang nagrereklamo.  Ang marami’y nagagalit sa gobyerno dahil nahinto ang pagtanggap nila ng buwanang blessing. Ayon sa tinanggap kong impormasyon, marami sa namuhunan sa Kapa ang nagbenta ng kanilang mga lupa, ayaw nang magtrabaho at hinihintay na lamang ang pagdating ng buwanang biyaya.

Relihiyon, pagkagahaman sa bagay na materyal at kawalan ng nalalaman—pagsama-samahin mo ang mga ito at hindi kataka-takang malinlang ang buong komunidad.  Ayon sa SEC, ang Kapa ang may hawak ng rekord na pinakamalaking investment scam sa ngayon.  Naalala ko ang isang nagsabi sa akin na kung gusto mong yumaman, magtayo ka ng relihiyon.

Importante ang tamang pang-unawa natin kung ano ang tunay na relihiyon. Bagamat kasama sa blessing ng Diyos ang pagpapalang materyal, ngunit hindi ito ang pangunahing dahilan kung bakit sumasapi ang tao sa isang relihiyon. Espiritwalidad ang pangunahing dahilan. At ang espiritwalidad ay may kinalaman sa tama at malusog na relasyon sa Diyos at sa kapwa.

Nagbigay ng napakagandang depenisyon ang Santiago 1:27, “Ang relihiyon na dalisay at walang dungis sa harap ng ating Diyos at Ama ay ito: pagtulong sa mga ulila at sa mga biyuda sa kanilang kahirapan, at pag-iingat sa sarili upang huwag mahawa sa kasamaan ng mundong ito.”

Laging magkasama sa espiritwalidad ang pangangalaga sa sariling kabanalan at integridad bilang nilikhang kawangis ng Diyos at ang pagtulong sa kapwa bunsod ng pagmamahal sa Diyos.

Sa liwanag ng ganitong depenisyon at sa mga katangian ng iglesya na ipinaliwanag ko kanina, husgahan mo ang Kapa kung ito’y isang tunay na relihiyon o iglesya.  Ito rin ang maaari mong gamitin upang husgahan ang kinasasapian mong simbahan kung ito’y isang tunay na relihiyon o iglesya.

KAPA
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with