Social media account ng patay
(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo (Pang-masa) - June 23, 2019 - 12:00am

ANO ang mangyayari  o nangyayari sa social media account ng isang tao kapag namatay siya? Kusa ba iyong masasara o mananatili pero nakatiwangwang nang hindi naa-update? Sa mahaba nang panahong pamamayagpag sa internet ng iba’t-ibang social media tulad ng Facebook, Instagram, Twitter at iba pa, marami na rin sa mga gumagamit nito ang pumanaw na.

May mga account ng mga patay na patuloy na minamantini ng miyembro ng kanilang pamilya o kaibigan o ibang mahal sa buhay bagaman hindi na nga lang higit na aktibo na tulad ng dati noong nabubuhay pa sila. Meron namang account na hindi na lang nakikita sa wall ng kanyang mga kaibigan sa Facebook halimbawa na maaaring dahil na rin hindi aktibo o hindi naa-update o puwedeng isinara na lang ng sino mang taong malapit sa kanila.

Pero may mga tao na ibinabahagi sa social media ang bawat detalye ng kanilang buhay nang hindi isinaalang-alang ang kanilang privacy. Nalalantad ang mga mahahalaga at sensitibong bagay na delikadong makita ng kahit sino na lang. Wala silang ginagawang hakbang para mapangalagaan ang mga impormasyong ito. Ayon nga sa digital privacy expert na si Ray Walsh ng ProPrivacy.com, kapag namatay ka, namemeligro ang iyong profile sa internet.

Kung hindi protektado ng malakas na password at dual factor authentication ang iyong social media account, maaari itong makuha ng hacker at simulang magpanggap na ikaw para makapanloko, makapaglinlang, makapagsamantala at makapagnakaw sa ibang tao. Maaaring magamit ang iyong account sa phising campaign o identity theft. Kaya ipinapayo ni Walsh ang malakas at laging binabagong password na mahirap mahulaan.

Mainam na bigyan ng permiso ang isa mong malapit na kaibigan o miyembro ng pamilya na pangasiwaan ang iyong account makaraang mamatay ka. Sa ganitong paraan, maaaring tanggalin na lang ang iyong account sa social media o i-memorialized na lang ito nang hindi magagalaw nang sino man. Sa ganitong paraan, walang mananakaw na mga sensitibong impormasyon sa iyong account ang mga cyber criminal.

Gayunman, inirekomenda ni Walsh ang pagkakaroon ng digital will (parang testamento sa tunay na buhay) na mahusay na paraan sa pagkontrol sa puwedeng gawin sa iyong account kapag namatay ka. Makapagdedesisyon ang sinuman na iyong pinagkatiwalaan kung ano ang dapat gawin sa iyong account.

At, katulad ng naunang nabanggit, mas mahalaga talaga na protektado ang isang account sa social media kung hindi naman ito tatanggalin kahit patay na siya.  Kahit sino mang patuloy na imamantini ang social media account ng isang patay, mahalagang palitan pana-panahon ang password nito pero password na hindi basta-batas mahuhulaan o makukuha ng ibang tao.

-ooooooo-

Anumang reaksiyon ay i-email na rbernardo2001@hotmail.com

SOCIAL MEDIA
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with