EDITORYAL - Tulungan ang mga mangingisdang nawasak ang bangka
(Pang-masa) - June 21, 2019 - 12:00am

NGAYONG nagpahayag na si President Duterte na maliit na insidente lamang ang pagbangga ng Chinese vessel sa bangka ng 22 mangingisdang Pinoy, hindi dapat dito matapos ang istorya bagkus kailangang ipursigi ang pagtulong sa mga mangi-ngisda na nawalan ng hanapbuhay dahil sa insidente.

Karamihan sa mga mangingisda ay may pamilya at pinag-aaral na mga anak. Problema nila ngayon kung saan kukuha ng perang gagastusin. Bagamat may dinala ng tulong ang Department of Agriculture gaya ng bigas at meron pang mga bangka, hindi pa rin naman ito sapat.

Maaaring hindi na magkakaroon pa ng imbestigasyon sa nangyaring “maliit” na insidente at tatahimik na ang mga mangingisdang sangkot pero hindi naman ito basta-basta malilimutan ng nakararami lalo pa’t mainit ang sitwasyon sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea na ngayon ay pinaliligiran ng mga barko ng China.

Tiyak na marami ang manggigigil kapag maaalala ang ginawa ng Chinese vessel nang banggain ang bangkang pangisda ng mga Pinoy sa Recto Bank na sakop ng Pilipinas. Ang nakakagigil dito, pagkaraang banggain ang bangka ng mga mangingisdang Pinoy, tumalilis ang barko ng China at hindi man lang tinulungan ang 22 crew ng F/B Gem-Ver na unti-unting lumulubog.

Mabuti na lang at namataan sila nang dumadaang Vietnamese fishing boat at sinagip ang mga Pinoy na ilang oras nang lulutang-lutang sa dagat. Una nang sinabi ng kapitan ng Gem-Ver, sadya silang binangga ng Chinese vessel. Imposible raw na hindi sila makita ng Chinese vessel sapagkat mayroon silang ilaw sa unahan, hulihan at tagiliran. Nawasak ang unahang bahagi ng bangka at tumilapon ang mga crew pati ang mga huli nilang isda.

Tulong na lang ang nararapat sa mga na-traumang mangingisda. Pagkalooban sila ng sapat na ikabubuhay. Ayon sa kapitan ng Gem-Ver, tinatayang P500,000 ang nawala sa kanila. Malaking halaga ito para sa katulad nilang ang pinagkukunan lamang ng ikabubuhay ay ang pangingisda. Unahin na muna ang pagtulong sa mga ito para mapawi ang dinanas na “kaapihan” sa laot sa kamay ng mga itinuturing na “kaibigan”.

CHINESE VESSEL
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with