EDITORYAL - Mag-ingat sa dengue at leptospirosis
(Pang-masa) - June 17, 2019 - 12:00am

SIMULA na ng tag-ulan, ayon sa PAGASA. At sa ganitong panahon, dalawang mapanganib na sakit ang nananalasa sa bansa – ang dengue at leptospirosis. Parehong nakamamatay ang mga sakit na ito kapag hindi nag-ingat ang mamamayan. Parehong may kaugnayan sa kalinisan sa kapaligiran ang susi para mapigilan ang pananalasa ng dengue at leptospirosis.

Ayon sa Department of Health (DOH), mula Enero hanggang Mayo ngayong taon, umabot na sa 70,000 kaso ng dengue ang naitala at maaaring dumami pa ngayong nagsisimula na ang tag-ulan. Noong nakaraang taon, naitala ang 39,449 kaso. Kung susuriin, halos doble ang itinaas at nasa kalagitnaan pa lamang ng taon. Mas marami rin ang naitalang namatay sa dengue ngayon --- 312, kumpara sa mga namatay noong 2018. Sintomas ng dengue ang mataas na lagnat na tumatagal ng isang linggo, kulay kapeng ihi, paglabas ng pantal-pantal sa balat at pananakit ng katawan.

Paglilinis sa bahay at kapaligiran ang susi para makaiwas sa nakakamatay na dengue. Takpan ang mga drum, timba at iba pang lalagyan ng tubig para hindi pangitlugan ng lamok. Itapon ang mga basyong bote at lata, tinapyas na gulong ng sasakyan, mga paso ng halaman at iba pang posibleng breeding ground. Linisin ang mga kanal na hindi umaagos ang tubig sapagkat dito nangingitlog ang mga lamok.

Delikado naman ang paglusong sa baha na kontaminado ng ihi ng daga at iba pang hayop. Karaniwan nang kapag bumaha sa Metro Manila, maraming bata ang ginagawang swimming pool ang kalsada. Wala silang kamalay-malay na ang pinaglalanguyan nila ay may ihi ng daga. Kung may sugat o galis ang mga bata sa paa at binti, posibleng pumasok doon ang mikrobyong leptospira na magdadala ng sakit na leptospirosis. Ang mga sintomas ng leptospirosis ay lagnat, nahihirapang umihi, naninilaw ang balat at namumula ang mga mata. Lumalabas ang sintomas makaraan ang pitong araw.

Magtulung-tulong sa paglipol sa mga daga na naghahatid ng leptospirosis. Panatilihin ang kalinisan sa kapaligiran at sa loob ng bahay. Kung malinis at nasa ayos ang pagtatapon ng basura, walang mabubuhay na daga.

Inaasahan naman ang maigting na kampanya ng DOH laban sa dengue at leptospirosis. Nararapat ma­imulat ang mamamayan para hindi sila mapahamak sa dalawang sakit na ito na parehong nakamamatay.

LEPTOSPIROSIS
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with