Party-list ba o parte-parte?
USAP TAYO - Pastor Joey Umali (Pang-masa) - June 8, 2019 - 12:00am

MAGANDA ang intensyon, pero naabuso nang pasukin ng mga pulitiko at mga “vested interest groups.” Ito ang pwede nating masabi tungkol sa “party-list system” na ang intensiyon ay para magkaroon ng boses sa Mababang Kapulungan ang mga walang boses na tulad ng mga manggagawa, magsasaka, mahihirap sa siyudad, katutubo, kababaihan, kabataan at iba pang sektor na nasa laylayan ng lipunan.

Ang “party-list system” ay itinatakda ng 1987 Constitution kung saan naghahalal ng mga partido upang bumuo sa 20 porsiyento ng mga kinatawan sa Mababang Kapulungan.  Bagama’t ang ibinoboto ay  partido at hindi indibidwal na kandidato, may mga “nominees” ang mga ito na uupo sakaling manalo ang partido.

Naging “open sesame” sa mga pulitiko at may pinangangalagaang interests ang “party list system” nang idiklara noong 2013 ng Supreme Court na ang “party-list system” ay bukas para sa lahat ng sektor at partido, at hindi lamang para sa mga “marginalized groups.” Maaaring lumahok ang mga partido at organisasyon na pambansa ang operasyon, kahit na wala silang kinakatawang sektor na “marginalized” o “underrepresented.” Sapat na ang mayroon silang “advocacy” sa anumang usaping pambansa.

Nitong nakaraang eleksiyon, ang nanguna sa “party-list” ay ang Anti-Crime and Terrorism Through Community Involvement and Support (ACT-CIS) na nakakuha ng mahigit sa dalawang milyong boto; at pumangalawa ang Bayan Muna na nakakuha ng mahigit sa isang milyong boto. Sa kabuuan, 134 ang “party lists” na lumahok sa nakaraang eleksyon, 59 sa mga ito ang uupo sa Mababang Kapulungan.

May mga lehitimo namang “party-lists,” ngunit marami rin ang nakapagdududa ang intensiyon. May ilan na sumakay lamang sa popularidad ng isang “personality” o tele-nobela, na tulad ng Ang Probinsyano, Probinsiyano Ako, at Duterte Youth. Hindi nakapagtataka kung sa susunod na eleksiyon ay magkaroon ng “party-lists” na Samahan ng mga Walang Magawa, Kalipunan ng mga Makakalimutin, Pederasyon ng mga Mainitin ang Ulo o Pambansang Ugnayan ng mga Kalalakihang Takot sa Asawa.

Base sa ating karanasan, ang “party-list” ay tila naging parti-partihan o parte-parte. Sa sistemang ito’y  tila nagparte-parte ang mga pulitiko, ang mga vested interest groups at mga grupong kaduda-duda ang mga ipinaglalaban. Sa ilalim ng sistema, puwedeng katawanin ng mayayaman ang mahihirap. O kaya’y katawanin ng mga lalaki ang mga kababaihan. Katawa-tawa kundi man kainis-inis! Siyempre, ang dehado na naman dito’y ang taumbayan na magpapasuweldo sa mga ito, gayong malinaw naman na ang isusulong lamang nila’y ang kapakanan ng mga taong nasa likod ng partido. Ang budget sa 59 kinatawan ng “party-list” ay sapat nang makapagpatayo ng daan-daang silid-aralan o magpaaral ng libu-libong mahihirap na estudyante.

Kailangan nang buwagin ang “party-list system,” sapagkat ito’y isang malaking kabiguan, lalo lamang itong nagbigay ng oportunidad sa mga “traditional politicians” na mamayagpag sa kapangyarihan.

Hindi “party-list” ang kailangan natin. Ang kailangan natin ay listahan ng mga taong may tunay na malasakit sa mga manggagawa, magsasaka, mangingisda, katutubo, kababaihan at kabataan.  Ang kailangan natin ay mga taong magiging tunay na boses ng mga sektor na ito na susunod sa sinasabi ng Kawikaan 31:8-9, “Ipagtanggol mo ang mga di makalaban, ipaglaban ang kanilang karapatan.  Ipahayag mo nang malinaw ang katotohanan at ang katuwiran, at igawad ang katarungan sa api at mahirap.”          

 

PARTY-LIST
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with