Hindi basurahan ang Pilipinas
USAP TAYO - Pastor Joey Umali (Pang-masa) - May 25, 2019 - 12:00am

BASURAHAN — Ito yata ang tingin sa Pilipinas ng ibang bansa na katulad ng Canada. Mahigit limang taon na ang nakaraan, isang pribadong kompanya sa Canada ang nag-export sa Pilipinas ng 100 containers ng mga basura  na tumitimbang ng mahigit 2,000 tonelada.  Idineklara ang mga ito na mga recyclable materials, ngunit natuklasang naglalaman ng maruruming plastic, diapers at iba pang basurang mapanganib sa kalusugan at sa kapaligiran.  

 Naghain ang gobyerno ng Pilipinas ng diplomatic protest sa gobyerno ng Canada upang bawiin nito ang tone-toneladang basura. Mabagal ang pagkilos ng Canada kung kaya’t itinakda ni Presidente Duterte sa Mayo 15 ang deadline sa pagbawi sa mga ito. Nang walang naganap na pagbawi, pinauwi ni Presidente Duterte ang ambassador at mga consuls na nakatalaga sa Canada bilang kapahayagan ng mariing protesta.  Saludo ako sa ginawang ito ng ating Presidente upang pangalagaan ang ating dignidad bilang isang bansa!     

Gayunman, ang pangyayaring ito’y isang malungkot na komentaryo sa ating kalagayan bilang isang bansa.

 Una, tayo’y ginagawang basurahan ng mayayamang bansa, tapunan hindi lamang ng literal na basura, kundi ng mga produktong luma, gamit na, pinagsawaan, hindi na kailangan, o hindi na  ginagamit. Naglipana rito sa atin ang Japan surplus, American surplus, Australian surplus na nagbebenta ng gamit na sasakyan, appliances, furniture, lababo, toilet bowl, damit na kung tawagin natin ay “ukay-ukay,” at marami pang iba. Alam mo bang may mga gamot na ibinawal na sa US, ngunit dito sa atin ay ibinebenta pa rin? Saan itatapon ng mauunlad na bansa ang kanilang basura sa isang paraan na mawawala na sa kanila ang kalat at panganib ay kikita pa sila? Ang sagot — sa mahihirap na bansa, katulad ng Pilipinas.

Ikalawa, ito ang higit na malungkot, pinapayagan natin na gawin tayong basurahan.  Mayroon tayong malaganap na “surplus mentality” o “ukay-ukay mentality.” Basta’t galing sa ibang bansa, kahit basura na’y maganda pa rin sa atin. ‘Yong basurang galing sa Canada, paano ito nakarating sa atin kundi natin pinayagan. Sino kaya ang kumita sa Customs?

Ikatlo, ito ang mas malungkot kaysa una at ikalawa. Napakaraming nagkalat na basura sa gobyerno, mga tiwaling opisyales na walang pakialam madungisan man ang ating dangal bilang isang bansa o malagay man tayo sa panganib, basta kumita lamang ng pera. Wika nga ni Senator Ping Lacson, ‘yong nag-apruba sa pagdadala rito ng tone-toneladang basura mula sa Canada ay dapat ipatapon sa Canada kasama ng mga basurang ito.

Napakarami nating dapat linising basura sa ating kaisipan bilang mga mamamayang Pilipino. Ang pinakamahirap linisin ay hindi ang literal na basura, kundi ang basura ng kaisipan. Muli natin itong napatunayan nitong nakaraang eleksyon. Buhay na buhay pa rin ang political dynasty. May mga family dynasties nga na nabuwag, pero mayroon namang mga bagong lumitaw. May mga nanalo sa kabila ng kinakaharap na mga kaso ng katiwalian, o sa kabila ng katotohanang walang magandang track record. May mga nanalo dahil namili ng boto.

 Ang paglilinis sa basura ng kaisipan ang tunay na pagbabago, hangga’t hindi ito nangyayari,  walang mangyayari sa Pilipinas.  Ganito ang wika sa Roma 12:2, “Huwag kayong makiayon sa takbo ng kapanahunang ito. Sa halip, hayaan ninyong baguhin kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong isip.”

Pagbabago ng isip, ito ang pagbabagong kailangan nating lahat upang hindi tayo maging basurahan ng ibang bansa! Dito magsisimula ang anumang pagbabago.

BASURA
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with