Tinutuwid namin ang kabuktutanat itinatama ang mali
BITAG - Ben Tulfo (Pang-masa) - May 16, 2019 - 12:00am

KADALASAN, kung sino pa ‘yung maliliit na tao at walang kalaban-laban ay ‘yun pa ang inaabuso.

Eto ang saysay ng BITAG bilang Pambansang Sumbungan, tagatabla ng laban. Tinutuwid namin ang kabuktutan, tinatama ang mali.

Sa kaso ng dalawang vendors na lumapit sa BITAG, nais lang ng mga pobre na maibalik ang kanilang mga paninda matapos makumpiska ng mga guwardiya ng Grotto of our Lady of Lourdes sa San Jose del Monte, Bulacan.

Ang sumbong, kinumpiska na nga ang kanilang mga paninda, pinagbantaan pa silang susunugin ang mga ito. Ang malala rito, naglahong parang bula ang mga paninda, hindi na nakita.

Kung iisipin, mali talaga ang mga vendor na nagrereklamo dahil mahigpit na ipinagbabawal ang pagtitinda sa loob ng Grotto. Subalit ang pagtaboy sa mga ito at pagkamkam sa mga pa­nindang pinangutang pa ng mga pobre ang capital, ibang usapan na.

Para malaman ang tunay na nangyari makuha na rin ang panig ng pamunuan ng Grotto, binisita ng BITAG kasama ang San Jose del Monte City Police sa San Jose del Monte Bulacan.

Sa aming imbestigasyon, hindi itinala sa inventory ng mga kolokoy na sekyu ang mga kinumpiskang paninda. SOP ito sa mga ganitong operasyon na malinaw na hindi sinunod.

Ang kanilang palusot, madali raw kasing mabulok ang mga paninda kaya itinapon na nila ito. Hindi ob-ob ang mga imbestigador ng BITAG, well trained at highly skilled ang mga tao namin kaya’t hindi n’yo kami matsu-tsubibo. Dalawa lang naman ‘yan, dahil hindi niyo inilista sa inventory ay ninakaw niyo o nilamon niyo?

Alam kong ginagawa n’yo lang ang trabaho pero gawin itong tama! Hindi porke’t mga pasaway na vendor lamang ang inyong kaharap ay garapalan n’yong aabusuhin. Kung tutuusin, naghahanapbuhay lamang ang mga pobre at hindi naman mga dorobong nanloloko ng kapwa.

Ang tanging pagkakamali ay nagtinda sa lugar na ipinagbabawal ng inyong pamunuan. Puwede namang itaboy lang at huwag nang nakawin ang mga paninda. Tinanggalan n’yo na ng hanapbuhay, lalo pang pinakalam ang sikmura ng mga nagrereklamo.

Hindi na namin kayo dinikdik, hulog kayo sa BITAG ng inyong pagsisinungaling pero umamin kayo sa inyong pagkakamali. Nangako kayong babayaran ang halaga ng mga nawalang paninda at tututukan ng BITAG ‘yan.

Sa serbisyo publikong ito ng BITAG, wala kaming pinipili. Sisiguraduhin ng pambansang sumbungan na patas naming itatabla ang laban, aksiyon ora mismo!

Panoorin sa @BitagOfficial YouTube channel ang kabuuan ng reklamong ito. Sa mga reklamo’t sumbong ng pang-aabuso, panloloko at iregularidad sa komunidad, takbo na sa Pambansang Sumbungan at #ipabitag mo!

VENDOR
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with