Pag maayos kang kausap,di-masasampolan ni BITAG
BITAG - Ben Tulfo (Pang-masa) - May 7, 2019 - 12:00am

MARAMI na kaming nakatapat na mga putok sa buhong abusado, manloloko’t balasubas. At lahat ng iyon ay iisa ang lengguwaheng ginagamit, dahas at pananakot.

Bihira lang na may makaharap kaming inirereklamo na ang ginagamit na lengguwahe ay hindi kayabangan at kabuktutan, kundi paggalang at pag-unawa.

May ilan kasi, guilty agad ang reaksiyon. Nakikita pa lang ang mukha ng mga BITAG investigators sa gate, nagwawala na akala mo sila ang naabuso.

Diretsahang aksyon at lunas lang naman sa mga sumbong ang hangad namin lalo na’t hindi estilo ng BITAG na mamahiya at makasira ng negosyo.

Simple lang kami rito sa BITAG, kung paggalang ang lengguwaheng inyong gagamitin at isasalubong sa amin, iyon din ang ibabalik namin.

Tulad na lamang nitong sumbong ng limang security guards laban sa kanilang agency na hindi ibinibigay ang kanilang double pay, 13th month pay, day-off at benepisyo.

Nang makapanayam ng BITAG Kilos Pronto staff ang inirereklamong agency, aminado naman sila sa pagka-delay ng pasahod sa kanilang mga sekyu.

Sa benepisyo naman ng mga guwardiya, nangako sila na aayusin ito sa lalong madaling panahon. At sa harap mismo ng BITAG, binayaran nila ang mga nagrereklamo sa kanilang mga naipit na sahod.

‘Yan ang gusto namin. Bihirang-bihira ang mga ganitong tagpo sa pagresponde ng BITAG sa mga ganitong klaseng sumbong. Walang kuskos balungos at maaksyong komprontasyon, areglo agad!

Madalang lang kaming makatapat ng mga mahinahon at nakakaunawa sa kakaibang estilo ng public service ng BITAG.

Bilang na bilang sa daliri ang mga kinumpronta ng BITAG na tulad ng security agency na ito. Madalas kasi mga walanghiya’t balasubas ang nakakasagupa namin.

May mga pagkakataong dapa na ang inirereklamo at umamin ng pagkukulang sa dahilang sila rin ay biktima ng pagkakataon. Handang makipagkasundo at ayusin ang problema pero sa limitadong paraan lamang.

Pero ang nagrereklamo, matigas pa rin na makuha ang sa tingin niya ay para sa kaniya, inilalarga na namin sila. Hindi kami pambansang muchacho na uutusang gipitin ang kanilang mga inirereklamo.

Iba kasi kami sa BITAG, public service na no non-sense pero patas at hindi bias. Walang halong ek-ek at kung ano pang mga pautot. Straight to the point lang.

Hindi kami puro pa-drama at pa-pogi. Kilos pronto na paglutas at pagbibigay ng solusyon sa mga sumbong ang aming pangunahing layunin, dahil iyon ang tatak BITAG.

BITAG
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with