EDITORYAL - Sayang lang ang pakikipag-usap kay Joma
(Pang-masa) - April 24, 2019 - 12:00am

GUSTO na namang makipag-usap ni President Duterte kay CPP founding chairman Jose Maria Sison. Gusto na uli ng Presidente na ma-revive ang peace talks sa makakaliwang grupo. Nagbago na naman ang kanyang pasya, isang buwan makaraang sabihin niya na tinatapos na ang pakikipag-usap sa rebeldeng grupo. Final na raw. Wala na raw mangyayaring peace talks sa CPP-NPA. Pero ngayon, bukas uli siya para sa pag-uusap sa kapayapaan.

Bago ang Semana Santa, nanawagan siya kay Sison na umuwi ito at mag-usap uli sila. Siya raw ang bahala kay Sison. Sagot daw niya ito. May word of honor daw siya at hindi traidor na tao. Mag-usap daw uli sila para sa kapayapaan.

Maraming beses nang nanawagan si Duterte kay Sison at mag-usap sila. Noong nakaraang taon, nanawagan uli siya na mag-usap sila pero tumanggi si Sison. Hanggang magpalitan na sila nang mga maaanghang na salita. Sinabi ng Presidente na masyadong arogante si Sison. Maysakit din umano ito. Sinabi pa ng Presidente na sasampalin niya si Sison kapag umuwi ito.

Maraming beses naipagpaliban ang peace talks ng pamahalaan sa rebeldeng grupo. Maraming ulit nang sinabi ni Duterte na tapos na ang pakikipag-usap at maghanda na lang ang mga sundalo sa pakikipagbakbakan sa mga rebelde. Minsan pa, inatasan niya ang mga sundalo na laging linisin ang mga baril bilang paghahanda sa pakikipaglaban sa NPA.

Sa aming palagay, hindi na uuwi si Sison sa Pilipinas at hindi na niya pauunlakan ang panawagan ng Presidente para sa peace talks. Kaya walang mangyayari sa panawagan na umuwi ang CPP chairman.

Ang mas mabuti at epektibong gawin ng Presidente ay sa mga rebeldeng NPA na lamang makipag-peace talks. Mas mabuti kung sa mga ito makikipag-usap sapagkat malalaman ang mga hinaing ng mga ito. Kung sa mga rebeldeng MILF at MNLF ay nagtagumpay siyang mapahinuhod, maaaring ganito rin ang mangyari sa NPA. Sa aming palagay, sisilip ang kapayapaan kung localized peace talks ang isasakatuparan ng Duterte administration. Huwag kay Joma makipag-usap sapagkat sayang lang.

CPP JOSE MARIA SISON
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with