Ang pintuang palaging nakabukas
DIKLAP - Ms. Anne (Pang-masa) - April 23, 2019 - 12:00am

SA Glasgow Scotland, isang teenager na babae ang napagod na sa sobrang kahigpitan ng kanyang mga magulang kaya nagpasya siyang lumayas upang mamuhay nang malaya. Noong una ay wala siyang naging problema sa tirahan at pang-araw araw na gastusin. Nang maubos ang pera at madalas nang kumalam ang sikmura, nagpasya ang dalaga na ibenta ang kanyang katawan.

Samantala ang ama ng dalaga ay nagkasakit sa kahahanap sa kanya hanggang sa humina ang katawan at tuluyan nang namatay. Ang inang namumuhay nang mag-isa ang nagpatuloy sa pagha-hanap sa kanyang anak hanggang naisipan niyang magpakuha ng litrato. Ang litratong iyon ang kanyang ipinaskil sa mga bahay-kalinga kung saan tumutuloy ang mga homeless para makikain nang libre. Sa ilalim ng litrato ng ina ay may nakasulat na: “Mahal kita, anak…umuwi ka na, naghihintay ako.”

Sa paglipas ng panahon, humina ang katawan ng dalaga. Pumangit na ang kanyang katawan at hitsura. Hindi na niya maibenta ang katawan kaya’t madalas ay nakikikain siya sa mga bahay-kalinga na nagkalat sa buong lungsod. At noon niya nabasa ang isa sa mga daan-daang ipinaskil na litrato ng kanyang ina. Noong una ay kailangan pa niyang titigan ang inang pinatanda na ng panahon pero sa bandang huli ay nakilala rin niya ito. Kinurot ang kanyang puso ng mensaheng nakasulat sa paskil. Napaluha siya.

Nasa tapat na siya ng kanilang bahay pero nagdadalawang isip siya. Nahihiya siya sa kanyang ginawang kasalanan. Pero nang kakatok na siya ay napansin niyang bukas ang pintuan. Nasa isip niya ay may magnanakaw na pumasok sa loob ng kanilang bahay. Dali-dali siyang tumakbo patungo sa silid ng kanyang mga magulang. Doon ay nakita niyang mahimbing na natutulog ang ina. Niyakap niya ito at ginising.

“Mama, gising, may magnanakaw yatang nakapasok dito sa bahay!”

Yumakap nang mahigpit ang ina sa anak na matagal nang nawalay sa kanya.

“Bakit mo nasabing may magnanakaw?”

“Bukas po ang pintuan”

“Walang magnanakaw. Simula nang umalis ka, laging nakabukas ang pintuan para sa pagbabalik mo. Alam ko, isang araw…babalik ka rito. I love you anak.”

GLASGOW SCOTLAND
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with