Sundalo, pinagdamot ang anak sa asawa
BITAG - Ben Tulfo (Pang-masa) - April 23, 2019 - 12:00am

HINDI eksperto sa mga problemang pampamilya ang Pambansang Sumbungan-BITAG. Pero sa ngalan ng public service, handa kaming tumulong sa problemang personal sa abot ng aming makakaya.

Nasa Family Code ng Pilipinas na ang mga anak na edad 7-taong gulang pababa ay kailangang nasa ina. Marami ang hindi nakaaalam, may exemption ang batas nating ito.

Sa BITAG-Action Center napili ng isang ginang lumapit para makuha ang kanyang anak na itinatago umano ng kanyang mister na sundalo. Sumbong niya, pinagdadamot daw sa kanya ang bata.

Kasal silang mag-asawa at ang kanilang anak ay dalawang taong-gulang lamang. Sa umpisa naman daw ay maganda ang kanilang pagsasama pero kalaunan, nag-iba na raw ng ugali ang sundalong mister.

Hindi naman daw siya sinasaktan ng asawa pero dahil napapadalas na ang kanilang pagtatalo ay pinalayas na siya nito sa bahay. Ang kanilang anak, itinago na raw sa kanya.

Nakipag-ugnayan kami sa Armed Forces of the Philippines at sa tulong ng kanilang Office of Ethical Standard and Public Accountability (OESPA), napalutang ang sundalong mister.

Maayos itong humarap sa kanyang misis na nagrereklamo at sa BITAG. Sa katunayan, handa siyang makipag-ayos sa misis at handang buuin ulit ang kanilang pamilya.

Ang masaklap, ayaw na talaga ni misis at gusto na lang kunin ang bata. Parehong tigas-ulo ang dalawa ayaw magkasundo sa kustodiya ng bata.

Ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at sa OESPA na rin, kailangang korte na ang mamagitan sa kung kanino dapat mapunta ang bata. Kasal kasi sila at parehong may karapatan sa kanilang anak.

Ang problema, walang trabaho ang ginang na nagrereklamo. Bagay na kinunsidera ng DSWD kaya’t hindi pinilit na makuha ang bata sa ama nito.

Sa huli, lumambot din ang dalawa at nagkaroon ng maayos na kasunduan. Maaaring bisitahin ng ginang kanyang anak at maipasyal ito sa kondisyong laging kasama ang sundalong ama.

Lahat nang bagay ay masosolusyunan kung bukas ang pag-iisip at kalooban ng magkabilang panig. Hindi na kailangan ng brasuhan, pahiyaan at suguran.

Kaya ang papel namin sa BITAG, laging ilantad ang magkabilang panig. Walang drama, walang script – lahat nang makuhanan ng aming camera ay mga tunay na pangyayari’t sitwasyon.

Ang buong kuwento ng reklamong ito, puwedeng mapanood sa aming Bitag Official Youtube Channel at sa aming official website, bitagmedia.com.

BITAG-ACTION CENTER
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with