May karapatan ba ako sa minanang ari-arian ng aking asawa?
DEAR ATTORNEY - Atty. Aeron Aldrich B. Halos (Pang-masa) - April 21, 2019 - 12:00am

Dear Atty.,

Ikinasal po kami ng asawa ko noong 2008 at nagkaroon po kami ng isang anak ngunit marami po kaming hindi pagkakaunawaan.

Bagama’t hindi pa po namin napapawalang-bisa ang aming kasal sa husgado ay ilang taon na rin po kaming hindi nagsasama dahil hindi ko na matiis ang kanyang ugali.

Kamakailan lang, nabalitaan ko na namayapa na pala ang kanyang ama at pinamanahan siya nito ng isang condominium unit na pinauupahan.

Hindi po sapat ang kinikita ko para sa aming mag-ina kaya hiniling ko sa aking asawa na ibigay sa akin ang kalahati ng renta na natatanggap niya mula sa condominium unit na namana ngunit tumanggi siya.

Wala po ba akong karapatan sa kinikita niya sa renta gayong hindi pa naman ganap ang paghihiwalay namin sa ilalim ng batas? -- Ana

Dear Ana,

Para sa mga Pilipinong katulad n’yo na ikinasal matapos magkabisa ang Family Code noong August 3, 1988, ang Article 75 ng nasabing batas ang naangkop.

Ayon sa Article 75 ng Family Code, maaaring itakda ng dalawang taong ikakasal kung ano ang magiging patakaran ukol sa mga ari-arian ng bawat isa sa kanila pagkatapos nilang ikasal. Ang kasunduang ito ay karaniwang tinatawag na “prenup” o prenuptial agreement.

Ayon din sa Article 75, kung wala namang “prenup” na napagkasunduan ang dalawang ikakasal, ang “absolute community property” ang mamamayaning patakaran sa ari-arian ng mag-asawa.

Base sa Article 91 ng Family Code, binubuo ang “absolute community property” ng lahat ng ari-arian ng mag-asawa bago at matapos silang ikasal, bukod sa ilang exception na nakalista sa Article 92.

Ang isa sa mga ito ay ang mga ari-arian na namana ng bawat isa, pati na rin ang kinita mula sa mga ari-arian na ito. Ayon sa Article 92, mananatiling sariling pag-aari ng bawat isa ang mga ari-ariang kanilang namana.

Wala ka namang nabanggit na prenuptial agreement sa pagitan n’yo ng iyong asawa kaya ang absolute community property ang applicable sa inyo. Dahil dito, sarili pa ring pag-aari ng iyong asawa ang condominium na kanyang namana, pati na rin ang renta na kinikita mula rito.

Bagama’t wala kang habol sa condominium na minana ng asawa mo, maari ka pa rin namang magsampa ng kaso laban sa kanya para sa obligasyon niya na suportahan kayong mag-ina.

Nawa’y nasagot ko nang lubos ang iyong katanungan. Paalala lamang na ang payong legal na nakasaad dito ay base lamang sa mga impormasyong iyong inilahad kaya maaring mag-iba ito sakaling may ilang mahahalagang bagay ka na hindi nabanggit.      

ASAWA
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with