EDITORYAL - Kailan magwawakas ang kalbaryo?
(Pang-masa) - April 18, 2019 - 12:00am

PAWANG kalbaryo ang dinaranas ng mamamayan ngayon. May krisis sa tubig, brownout, at walang tigil ang oil price increase. Hanggang ngayon, may mga lugar pa rin na nakakaranas ng kawalan ng tubig. Hindi pa natatapos ang kalbaryo ng mga sinusuplayan ng Manila Water. Sabi ni President Duterte, malinaw na hindi napaghandaan ng Manila Water ang problema na nagsimula pa noong Marso 6. Nagbitiw naman kamakalawa ang chief operating officer ng Manila Water.

Maraming lugar ang nakararanas ng rotating brownout at dusa ang mamamayan sapagkat sobrang init. Noong nakaraang linggo, ilang oras na nawalan ng kuryente sa maraming lugar dahil nag-shutdown ang mga planta. Sabi ng Meralco, manipis daw ang supply kaya nakakaranas ng ganitong brownout sa ilang lugar.

Ang pinakamatinding pahirap ngayon na dinaranas ng mamamayan ay ang panibagong pagtataas ng petroleum products. Hindi na nangilin ang mga kompanya ng langis sapagkat itinaon pa ngayong Mahal na Araw ang pagtataas ng petroleum products.

Mahigit P1.00 ang itinaas sa gasolina at 75 sentimos samantalang 60 sentimos sa kerosene. Nag-rollback noong nakaraang linggo subalit kapiranggot lang at binawi agad ngayon. Ito ang ika-9 na pagtataas ng petroleum products mula noong Enero at ayon sa mga eksperto, magpapatuloy pa ang pagtaas.

Hindi raw mapigilan ang pagtaas ng presyo ng langis sa world market. Laging ganito ang sinasabi at wala namang magawa ang mga maliliit na bansa gaya ng Pilipinas na umaasa sa langis. Ang mga mahihirap ang tinatamaan sa tuwing may oil increase sapagkat kasabay ding tumataas ang mga pangunahing bilihin. Noong isang araw inianunsiyo ng DTI na magtataas ang presyo ng sardinas. At maaaring kasunod na nito ang pagtataas pa ng ilang pangunahing bilihin at ang pamasahe.

Kailan matatapos ang kalbaryo ng mga mahihirap? Kailan ito magwawakas. Nagnanaknak na ang kanilang sugat sa balikat at wala pa ring solusyon sa mga problema. Tapusin na ang kanilang mga dinaranas.

MANILA WATER
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with