Alahas na pinabebenta, sinangla ni Lola
BITAG - Ben Tulfo (Pang-masa) - March 21, 2019 - 12:00am

WALA kaming pinipili kapag may lumapit sa aming complainant. Lahat nang reklamong makarating, binibigyan namin ng panahon at pansin.

Madalas na humihingi ng tulong sa BITAG Kilos Pronto ang mga simpleng tao na problemado sa pera. Marami ang biktima ng harassment sa kanilang mga pinagkakautangan.

Pero mga boss, importanteng malaman ng lahat, ang utang ay binabayaran – hindi tinatakbuhan. ‘Di man kayang bayaran nang isang bagsakan, maski bawas-bawasan man lang.

Halimbawa ang kasong nakarating sa amin. Nagsumbong ang isang ginang na “ginigipit” ng kanyang kapitbahay. Ang nagrereklamo, may utang na ‘di pa nababayaran.

Wala raw takot kahit sinong makabangga nitong inirereklamo. May pagbabanta pa na sasampahan ng kaso ang ginang kung ‘di siya magbabayad ng utang.

Nakausap ko siya sa telepono at nabuko ang totoong kuwento. Nangungutang ng pera ang nagrereklamo, ngunit walang maipahiram ang sinusumbong na kapitbahay. Kaya para makatulong, ipinagkatiwala ang mga alahas sa matanda.

Ginawa niyang ahente o tagabenta ang ginang. Kung may mabentang alahas, may komis­yon siyang makukuha.

Pero imbes na ibenta, susmaryosep, sinangla ang mga alahas na pinagkatiwala! Kaya naman pala walang takot ang inirereklamo, siya pala ang naagrabyado!

Natural lang na maningil siya dahil hindi sa kanya napunta ang perang katumbas ng alahas. Dapat yatang baliktarin ang kanilang posisyon. Ang nagrereklamo sa aming tanggapan, mukhang siya ang dapat na inirereklamo dahil sa ginawa niya.

Walang nakukulong sa utang. Pero may nakukulong dahil sa panloloko. Mabuti na lang at maunawain ang inirereklamo. Handang ayusin ang problema sa pamamagitan ng diplomasya.

Sa paliwanag kasi ng aming resident legal counsel, matibay na ebidensiya ang kasunduan ng magkabilang panig. Wala sa kasunduan na magsanla ng alahas. Ang sino mang hindi sumunod sa kasunduan, mabibitag at mananagot sa husgado.

Ang madaling solusyon sa problemang ito: Magbayad ang may atraso nang di na gumastos at humantong sa demandahan.

Kaya mga boss, pag kayo’y may isusumbong, siguraduhin n’yong kayo ang naagrabyado at hindi kayo ang dahilan ng sakit sa ulo.

Malalaman namin ang katotohanan sa bawat reklamo. Iniimbestigahan at kinukuha namin ang pahayag ng magkabilang panig.

Kung ang pakay n’yo ay kasangkapanin ang BITAG para makatakas sa responsibilidad, hindi lang kayo mabubuking kundi mapapahiya pa.

 

 

LOLA
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with