Utol (170)
Ronnie M. Halos (Philstar.com) - March 20, 2019 - 12:00am

“HINDI ka man lang nag-text o tumawag para nakapaghanda kami. May kasama ka pa namang maganda,” sabi ni Nanay Julia.

“Hindi ko na nagawa, Nanay dahil biglaan ang pasya.’’

“A ganun ba, sige at magpapahanda na ako ng makakain ninyong dalawa. Lalabas na siguro si Gerald.’’

“Sige po Nanay. Salamat.’’

Binalingan ni Xander si Anna.

‘‘Dito ka lang muna Anna at ipapasok ko sa ­aking kuwarto ang mga dala natin. Babalik agad ako.’’

“Sige Xander.’’

Nanatiling nakaupo sa sopa si Anna at pinagmamasdan ang mga painting sa dingding. Mahilig siguro ang papa nina Xander at Gerald sa mga painting at kung hindi siya nagkakamali ay mga likha ng kilalang painter ang nakadispley.

Nilapitan niya ang isang painting na nasa gawing kaliwa. Tiyak na mahal ito. Ipinakikita ng painting ang pagtatabas ng tubo ng mga sakada o workers sa sugarcane plantation. Ang husay nang pagkakagawa. Oil ang medium na ginamit. Malaki ang sukat ng painting.

Naisip ni Anna, sa mga painting pa lamang ay nagpapakita nang mayaman talaga ang papa ni Xander. Hindi basta-basta ang ganitong mga ari-arian na mga mayayaman lamang ang nakaka-afford. Kaya hindi nakapagtataka kung pamanahan nang malaki si Xander.

Maya-maya, nakita niya ang paglapit ni Xander.

‘‘Ang ganda ng mga painting ano?’’

“Oo. Gawa ng mga mahuhusay na painter.’’

“Mahilig daw sa painting si Papa, sabi ni Utol. Kapag may mga malalaking art exhibit ay laging dumadalo at binibili ang mga magagandang painting. Art enthusiast siya.’’

“Halatang-halata na mayaman siya, Xander.’’

Napatango si Xander.

Maya-maya pa, lumapit na sa kanila si Gerald.

Nagyakap ang magkapatid.

Saka ipinakilala ni Xander si Anna.

‘‘Utol, siya si Anna, nobya ko.’’

Kinamayan ni Gerald si Anna.

“Kumusta Anna.’’

“Mabuti naman Utol.’’

Napangiti si Gerald sa sinabi ni Anna. ‘‘Utol’’ na rin ang tawag sa kanya.

‘‘Hindi ka man lang nagpasabi na darating, Xander.’’

“Biglaan ang pasya ko Utol. At saka para masorpresa ka na rin dahil kasama ko na ang babaing pakakasalan ko.’’

“Bagay na bagay ka­yong dalawa. Guwapo at maganda.’’

“Salamat Utol. Tama ang sabi ni Xander, magkamukha nga kayo.’’

“Mas guwapo ako, ha-ha-ha!’’ sabi ni Gerald.

(Itutuloy)

UTOL
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with