Utol (140)
Utol (140)
Ronnie M. Halos (Pang-masa) - February 18, 2019 - 12:00am

“ANO bang pangalan nung babae – yung niligawan mo Xander?’’ tanong ni Nanay Lucing na nagkaroon ng interes pag-usapan ang buhay pag-ibig ng binata.

“Anna po.’’

“Kaklase mo nga ba siya sa high school?’’

“Opo.’’

“Anong itsura ni Anna?’’

“Maganda po siya. Hanggang balikat ang buhok. Maputi at matangos ang ilong.’’

“E bakit ba nilait-lait ka ng nanay ni Anna?’’

“E putok daw po kasi ako sa buho. Para po bang isang malaking kasala­nan ang pagiging bastardo ko…’’

Tumigil sa pagsasalita si Xander. Halatang may nasanggi sa damdamin. Pero makaraan ang ilang saglit ay nagpatuloy sa pagsasalita at nakangiti na. ‘‘Pero napatawad ko na po sila. Wala na sa akin ang mga nangyari. Tanggap ko na ang lahat.’’

‘‘Tama ang ginawa mo na hindi nagpaapekto. Pero talagang masama ang ugali ng nanay ni Anna na si Anding. Matapobre ‘yun. Nagkaroon lang ng maliit na negosyo e akala mo kung sino na. Kita mo ang nangyari at nalugi ang negosyong tsinelas nila.’’

“Wala na po pala silang tsinelasan, Nanay Lucing?’’

‘‘Wala na. Nalugi. Bumagsak. Yun yata ang tinatawag na karma.’’

Tahimik lang si Xander.’’

‘‘Teka Xander, ikuwento mo nga kung paano kayo nagkakilala ni Anna.’’

‘‘Magkaklase nga po kami. Nagsimula po ang kakaibang damdamin ko sa kanya nung may project kami at magkasama kami sa group. Hanggang sa sabay na kaming umuuwi. Yung bahay kasi nila ay dadaanan bago makarating sa bahay namin. Hanggang sa nagpaparamdam ako na may gusto sa kanya. Minsan, isinama kami ni Anna para doon sa kanila gawin ang pro­ject. Malapit na kasi graduation namin nun. Hanggang sa kumprontahin ako ng nanay ni Anna at nilait-lait. Hiyang-hiya ako at awang-awa sa sarili.’’

‘‘Anong sabi ni Anna?’’

‘‘Umiyak po siya sa sobrang kahihiyan dahil sa ginawa ng nanay niya. Dahil po sa nangyaring yun, hindi na natuloy ang paggawa namin ng project at na-late ang grupo namin.’’

“Nanggigigil ako sa ­Anding na yun. Mabuti at kinuha na siya ni Lord. Ang sama ng ugali!’’

‘‘Pero gaya po ng sinabi ko kanina, wala na sa akin yun. Napatawad ko na ang nanay ni Anna.’’

“Kung buhay siguro ang matapobreng si Anding ang sarap pagsabihan na ang nilalaliit niya noon ay bilyonaryo na ngayon. Kakagigil talaga.’’

Napangiti na lang si Xander.

HABANG namamalagi si Xander sa Liliw, sa bahay ni Nanay Lucing, ay hindi niya maiwasan na isipin si Anna. Nasaan na kaya si Anna? Nalugi pala ang negosyo ng mga ito. Kumusta na kaya siya?

(Itutuloy)

UTOL
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with