Nakamamatay ang pag-iisa?
(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo (Pang-masa) - February 17, 2019 - 12:00am

PAMINSAN-MINSAN, may mga balita  hinggil sa mga taong nag-iisa sa buhay na natatagpuang patay sa loob ng kanilang inuupahang kuwarto o tinitirhan nilang bahay o sa kung saan man mang lugar sila huling nakitang hindi na humihinga. Hinihinalang atake sa puso o ibang sakit ang na-ging sanhi ng kanilang kamatayan. Maaaring walang asawa o hiwalay sa pamilya o sa anumang kadahilanan ay mas piniling o napilitang mapag-isa.

May mga tao naman na nakakatagpo ng kapayapaan at kasiyahan sa kanilang pag-iisa. Mas nakakadama sila ng sarili nilang kalayaan kung walang ibang tao na kumokontrol o nagbabantay o pumupuna o nakikialam sa kanilang buhay. Mas masaya sila na nakakagalaw sila nang walang alalahanin kung merong naghihintay o umaasa sa kanila. Pero meron din sa kanila na sa anumang kadahilanan ay natatagpuan na lang walang buhay. Mabibigla na lang ang mga nakakakakilala sa kanila sa maaga nilang pagpanaw.

Pero hindi naman lahat ng mga nagsosolo sa buhay ay umiikli ang buhay. Marami sa mga nagsosolong ito ang nagkakaroon naman ng mahabang buhay depende marahil sa kung paano nila pinangangalagaan ang kanilang sarili.

Sa isang pag-aaral ng ilang Danish researcher na naitala sa European Heart Journal Quality of Care and Clinical Outcomes, lumalabas umano na ang mga tao na namumuhay mag-isa ay nadaragdagan nang 23 porsiyento ang panganib na mamatay nang maaga sa anumang ibang kadahilanan habang nadaragdagan nang 36 porsiyento ang peligro nila na mamatay sa sakit sa puso.

Hindi nga lang lubhang malinaw o detalyado sa pag-aaral ang kuneksyon ng pag-iisa sa buhay sa maagang pagkamatay pero maaaring pinatutungkulan dito ang kawalan ng makakasama na maaaring magpaalala o magpayo o sumubaybay sa kanilang kalusugan.

Gayunman, ipinahiwatig sa pag-aaral na, sa kaso ng mga nagsosolo sa buhay na nabibilang sa highest socioeconomic group (yung mga may pinag-aralan o nagtatrabaho sa executive position o nakakaangat sa buhay), ‘yung mga maagang namamatay ay walang kaugnayan sa kanilang pag-iisa sa buhay.  Mas mataas ang peligrong mamatay nang maaga iyong mga nagsosolo na nasa mas mababang socioeconomic status o mahihirap ang pamumuhay.

Maaaring ilang sektor lang ang sinaklaw ng naturang pag-aaral at hindi pa masasabing totoo ito sa lahat ng mga tao na nagsosolo sa buhay. Pero isa itong tagapagpaalala sa atin sa mga implikasyon ng pamumuhay nang mag-isa.  Masaya o malungkot ang pag-iisa depende sa kung paano ito pinanghahawakan o hinaharap ng sino mang nagsosolo sa kanilang buhay. 

 

 

PAG-IISA
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with