Bakit gustung-gustong pagkuwentuhan ang sakit kapag nasa ospital?
DIKLAP - Ms. Anne (Pang-masa) - February 15, 2019 - 12:00am

PINAKAUNA kaming dumating sa clinic ng aking doktor. Maya-maya ay may dumating na isang babae. Pagkaraan ng ilang minuto ay dumating ang ikatlong babaeng pasyente. Wala pa ang doktor kaya nagtanong sa amin ang dalawang babae.

“Kayo po ang number one?”

Ngumiti ako at tumango.

“So ako ang second.” Tumingin ito sa ikatlong babaeng dumating. “Ikaw naman ang third.”

Nagsalita ang babaeng ikatlong dumating. Nakangiti ito sa amin na parang nagkukuwento sa dati nang kakilala : Magpapa-lab test sana ako pero nakalimot ako na nag-fasting pala ako kagabi. Nakainom ako ng tubig pagkagising kaninang umaga.

Iyon lang at nagsimula nang magkuwentuhan ng mga sakit nila ang dalawang babae na ilang minuto lang na magkakilala. Nagpalitan pa ng mga karanasan tungkol sa pagpapaopera nila. Nagbisi-bisihan ako sa aking cell phone para hindi na nila ako isali sa kuwentuhan. Sa lahat ng ayokong gawin, iyong pag-usapan ang aking sakit. Sa doktor lang dapat magkuwento tungkol sa sakit.

Kaya lang, minsan ay sadyang may taong usisera. Isang araw iyon na kinuha ko ang resulta ng aking laboratory test. Umupo muna kami sa waiting area ng mga pasyente para basahin ang resulta. Hindi ko napansin na may babaeng nakaupo sa aking tabi. Nakikinig at nakikisilip sa binabasa kong papel.

Kausap ko ang aking mister. Tumaas ng ilang points ang aking blood sugar kumpara noong last test pero within normal range.

“Bakit kaya tumaas, hindi naman ako mahilig sa matamis?”

Aba, ang babaeng usisera, biglang sumagot. Hindi na nahiyang sumabat sa usapan.

“Ate, hindi iyan sa tamis, white rice at mga pagkaing gawa sa harina ang nagpapataas ng blood sugar.”

Napalingon ako. May edad na ang babae kaysa akin pero tinawag akong ate. Nagpatuloy ang babae. Feeling “authority” kung magsalita.

“Ah…” ang tangi ko lang naisagot.

“May high blood ka?” tanong ulit sa akin.

“Wala” sabay ngiti. Sa loob-loob ko lang, bakit ko naman sasabihin sa iyo ang totoo. Doktor ka ba?

“Buti ka pa, ako may diabetes na, may alta presyon pa. Ilang taon ka na ate?”

“58” sagot ko

Mas matanda pala ako sa iyo, 59 na ako.

Tapos tatawag-tawag ka pa ng ate d’yan, sa loob-loob ko lang.

Bago umalis ang babae, ang huling sultada niya sa akin : “Masuwerte ka, 58 ka na pero healthy ka pa rin.”

Nag-thumbs up ako sa babae sabay ngiti.

OSPITAL
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with