Col. Evangelista, sagutin mo ang tawag ng media!
SUPALPAL! - Non Alquitran (Pang-masa) - February 13, 2019 - 12:00am

KUNG sina PNP chief Dir. Gen. Oscar Albayalde at NCRPO chief Dir. Guillermo Eleazar ay mabilis pa sa alas-kuwatro kung sumagot sa tawag ng media, aba kabaliktaran naman si Sr. Supt. Lou Evangelista, ang provincial director ng Rizal. Kaya sina Albayalde at Eleazar ay masasabi kong “Darling of the Press” dahil sa relasyon nila sa media.

Subalit si Evangelista ay sentro ng reklamo ng mga kasamahan ko sa hanapbuhay sa Rizal dahil sa ugaling hindi pagsagot sa tawag, ‘di ba kosang Edmond Moreno Sir? Nagbiro pa nga si Moreno na halos matuwid na ang kamay n’ya sa kaka-dial ng cell phone, hindi lang ni Evangelista kundi maging si Supt. Villaflor Balawagann, ang hepe ng Antipolo City police, subalit nauwi siya palaging nakanganga. Araguuyyy!

Baka akala nina Evangelista at Balawagann may ipasasarang peryahan o pasugalan ang mga kosa ko sa media kaya ‘di nila sinasagot ang mga tawag sa kanila. Araguuyyy uli! Pero sa totoo lang, dapat magkakampi ang PNP at media dahil kapag may accomplishment sila, ang diyaryo, TV at radyo ang inaasahan nila na magdala o magkalat nito sa sambayanan.

Kaya naman tinatawagan ng media ang mga opisyal ng PNP kasi kadalasan, malabo ang mga reports na ipinapadala nila sa viber o sa email. Kasi nga kung mali naman ang ibalita ng media, eh sino pa nga ba ang sisihin ng PNP? Hak hak hak! Kung “Darling of the Press” sina Albayalde at Eleazar, sina Evangelista at Balawagann ay “Ngitngit of the Press.” Hehehe! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan!

Gaya nitong nakaraang Huwebes, sa hindi malamang dahilan ay nag-amok si John Albert Araojo at pinagbabaril ang mga tricycle driver at mga makasalubong sa Teresa, Rizal. May initial report ang Rizal police na tatlo ang patay subalit may report naman sa radyo na apat na ito.

Siyempre, para maliwanagan ang isyu, tinatawagan ng media si Evangelista dahil bilang hepe ng Rizal, dapat on top siya sa sitwasyon at alam niya ang lahat ng kaso sa hurisdiksiyon niya. Huwebes ng gabi nangyari ang kaso subalit alas dos na ng hapon noong Biyernes ay mukhang wala pang linaw kung ano ba talaga ang nangyari o motibo ni Araojo sa kaso.

Halos napudpod na ang daliri nina kosang Moreno at Ed Amoroso sa pag-dial ng cell phone ni Evangelista subalit hindi sumasagot ito. Araguuyyy! Hak hak hak! Hindi naman peryahan o pasugalan ang gustong itanong nina kosang Moreno at Amoroso, di ba mga kosa? Tumpak!

Sinabi naman ni Albayalde sa Supalpal na dapat nahuli ng mga bataan ni Evangelista si Araojo dahil kilala naman siya, at lalo na kapag nagsagawa kaagad ng dragnet operation laban sa kanya. Teka nga pala! Ang tawag ni Calabarzon police director Chief Supt. Edward Carranza sinasagot kaya ni Evangelista, ano sa tingin mo Sr. Supt. Eleazar Matta Sir? Hak hak hak! Bakit si Matta kahit sinong media ang tatawag eh sumasagot?

Kung sabagay, nasibak na si Evangelista sa kaso ni Richard Santillan subalit nakuhang makabalik sa puwesto dahil bagyo siya kay Dep. Dir. Gen. Archie Gamboa, ang deputy chief for operations ng PNP. Si Gamboa ay isa sa mga kandidato na papalit kay Albayalde at kapag nakuha niya ito eh lalong maging bingi si Evangelista sa mga tawag ng media, di ba mga kosa? Abangan!

LOU EVANGELISTA
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with