Ang Sinaunang Bahay
DIKLAP - Ms. Anne (Pang-masa) - December 7, 2018 - 12:00am

(Part II)

NOONG araw ay walang paupahang apartment sa aming bayan. Kung mayroon man, ito ay bahay na nilisan ng isang pamil­yang lumipat sa Maynila o sa katabing bayan na napakamahal ng renta. Nakatira lang kami sa bahay ng pamilya ng aking ama. Doon din nakatira ang pamilya ng isa niyang kapatid. Naiilang ang aking ina na marami kaming magkakapisan sa bahay kaya kahit napakapangit ng ground floor ng sinaunang bahay na imbakan talaga dati ng palay, pikit mata kaming tumira rito.

Ang mayayamang pamilya noon sa probinsiya ay nagpapagawa ng dalawang palapag na bahay. Ang ground floor ay imbakan ng palay mula sa kanilang malawak na palayan samantalang ang second floor ang nagsisilbing bahay nila. Napakalawak ng ground floor kaya hinati ito sa tatlo para parentahan. Nagkataong payat at may hika ang mister ng isang tenant. Ang akala ng mga tsismosa at mapangmatang kapitbahay ay may tuberculosis ito. Ang nangyari tuloy, hindi na pinapayagan ang aking mga kalaro ng kanilang mga magulang na pumunta sa amin para makipaglaro. Mahirap na, baka raw mahawa sa TB.

Bata pa ako noon, 6 or 7 years old pero nadadama ko ang sakit ng pangdidiskriminasyon ng mga kapitbahay. Noon ay unti-unti akong nagkaroon ng konsepto ng mahirap at mayamang buhay. Lalo pang naging malinaw sa akin ang konseptong aking natutunan nang ako ay pumasok na sa paaralan. Kapag ang birthday celebrator sa aming section ay nagbibigay ng party sa kanilang tahanan, isa ako sa hindi naiimbitahan. Pangit daw ang bahay namin at siguradong wala akong ibibili ng regalo. Naiimbitahan lang ako kapag lahat ng classmates ay imbitado.

Magaganda ang aking damit na pampasok sa paaralan dahil modista ang aking ina pero sa mahirap pa rin ako ikina-categorize ng aking mga kaklase dahil nakatira ako sa pangit na silong ng sinaunang bahay. Sa totoo lang, hindi naman kami ganoon kahirap na mas mahirap pa sa daga. Mas mayaman naman ng kaunti kaysa mga daga dahil may permanenteng trabaho ang aking ama.

(Itutuloy)

BAHAY
Philstar
  • Latest
Latest