EDITORYAL - Buti pa ang Korea mabilis umaksiyon sa basura
(Pang-masa) - November 24, 2018 - 12:00am

BABAWIIN na ng South Korea ang 5,100 tonelada ng basura na dinala sa Pilipinas noong Hulyo 21 ng kasalukuyang taon. Sabi ng Korean Embassy, iniimbestigahan na ng kanilang Ministry of Environment, Bureau of Customs Service at Ministry of Foreign Affairs ang Korean exporter na nagpasok ng 51 container van ng basura na dumating sa Mindanao International Container Terminal sa Tagoloan, Misamis Oriental. Ayon pa sa Korean Embassy, pinag-aaralan nila kung paano mapapabilis ang proseso sa pagbabalik ng basura sa kanilang bansa. Pananagutin umano nila ang exporter ng basura kapag napatuna-yang lumabag ito sa environmental laws.

Nirereklamo ng mga residente ang mga basura na itinambak sa isang pribadong lugar sa Tagoloan sapagkat maaaring makapagdulot ng sakit. Ang consignee ng mga basura ay ang Verde Soko Philippine Industrial Corporation at dineklara ang mga ito na “plastic synthetic flakes”. Pero lumalabas na nagsinungaling ang exporter sa tunay na laman ng mga container sapagkat may mga nakahalong pira-pirasong kahoy, metal at iba pang basura na hindi dumaan sa wastong recycling process.

Maganda naman at umaaksiyon na ang Korea sa basurang dinala sa bansa. Gusto nilang maayos na agad ang problemang ito bago pa man lumala. Dito nila tinalo ang Canada na hanggang ngayon ang basura ay nakatambak sa bansa mula pa noong 2013 at walang ginagawang aksiyon. Nakagigigil pa sapagkat ang mga basura ng Canada ay pawang hazardous wastes na kinabibilangan ng mga ginamit na diapers, heringgilya, at iba pang nabubulok na basura. Umaabot sa 50 freight containers ang mga basura na nang buksan ng Bureau of Customs ay umalingasaw ang baho. Ilan sa mga container ay nasa Manila Port at ang karamihan ay nasa Subic.

Nang dumating sa bansa ang Canadian prime minister noong nakaraang taon, nangako na ibabalik sa kanilang bansa ang mga basura pero hanggang sa kasalukuyan, wala pang ginagawang aksiyon. Maaaring nalimutan na nito ang binitiwang salita. Mas mabuti pa ang Korea at mabilis gumawa ng hakbang kung paano maibabalik sa kanilag bansa ang basura.

Nararapat namang umaksiyon ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa isyung ito. Huwag hayaang may makapasok na basura. Marami na tayong basura at hindi na kailangang umangkat pa.

KOREA
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with