EDITORYAL - Mga mayor na nagpabaya, kastiguhin!
(Pang-masa) - September 22, 2018 - 12:00am

MASISIBAK sa puwesto ang mga mayor na nagpabaya sa kanilang nasasakupan noong nananalasa ang Bagyong Ompong. Ayon sa Department of Interior and Local Government (DILG) 10 mayor mula sa Cagayan Valley at Cordillera Administrative Region (CAR) ang kanilang iniimbestigahan at kapag napatunayan, masisibak sila sa puwesto.

Ayon sa DILG, hindi nakita o “missing in action” ang 10 mayor habang binabayo ng bagyo ang nasasa-kupang lugar. Hindi raw nagpatupad ng preemptive at forced evacuations sa mga residente ang mga mayor.

Ayon pa sa DILG pinag-aaralan na umano nila ang performance ng 10 mayor na hindi sumunod sa module ng departamento kaugnay sa preemptive evacuations. Ayon sa DILG marami umano silang natanggap na report na patulug-tulog ang mga mayor at walang ginagawang hakbang para mailikas ang mga maaapektuhang residente. Habang ang iba raw mayor sa katabing bayan ay handang-handa at nadala na sa evacuation centers ang constituents, ang mga mayor sa 10 bayan ay hindi makita ang anino.

Ayon sa DILG, mayroon silang module na “Oplan Listo” na pinamamahagi sa mga mayor para maging gabay ng mga ito kapag may tumatamang kalamidad gaya ng bagyo o lindol. Kapag natukoy na raw nila ang mga mayor na nagpabaya at pakuya-kuyakoy habang nananalasa ang Bagyong Ompong, padadalhan nila ng show cause order.  Kapag napatunayan ang kanilang pagpapabaya, masususpinde o masisibak sila sa puwesto. Hindi raw muna ihahayag ng DILG ang pangalan ng mga mayor na nagpabaya sa kanilang nasasakupan.

Dapat ihayag na ang pangalan ng mga mayor para naman makilala na sila. Para ano pa at itatago ang kanilang pagkakakilanlan? Kaya pala mayroong mga residente sa isang bayan na grabeng hinagupit ng bagyo ang nagre-reklamo na wala man lang dumarating sa kanilang tulong kahit 24-oras nang nakaraan ang bagyo. Ni isang cup daw ng noodles ay wala man lang maibigay sa kanila. Kung kailan daw kailangan ang mga pinuno ng bayan ay saka naman wala ang mga ito. Halos mangiyak-ngiyak ang mga residente sapagkat nawasak ang kanilang mga bahay at ari-arian.

Kailangang maimbestigahan ang mga pabayang mayor at agad silang kasuhan at nang masibak na sa puwesto. Hindi sila karapat-dapat mamuno.

EDITORYAL
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with