‘Rent-sangla’ modus matigil na kaya?
RESPONDE - Gus Abelgas (Pang-masa) - August 29, 2018 - 12:00am

Biktima ba kayo ng ‘rent-sangla’ modus?

Eto ha, kahapon nasakote na ng mga tauhan ng PNP-Highway Patrol Group (HPG) ang lider ng sindikato kaya kung isa kayo sa nabiktima nito, hinihimok kayo ng mga awtoridad na magsampa ng kaso.

Natimbog sa bisa ng warrant of arrest sa kasong estafa at swindling si Rafaela Anunciacion sa isinagawang operasyon sa isang parking ng isang supermarket sa San Pedro, Laguna.

Pangalawang beses na itong naaaresto, nakalaya noong una matapos magpiyansa noong nakaraang taon at habang nasa labas muling bumalik sa ilegal na aktibidades.

Naging malawak ang operasyon ng grupo sa Metro Manila at Southern at Central Luzon.

Sangkaterba na ang kinakaharap nitong kaso, pero mukhang matinik talaga at patuloy daw na nag-ooperate kasi nga nakakapagpiyansa.

Sa paliwanag ng PNP-HPG hindi kasi karnap ang naikakaso sa grupong ito kundi estafa/ swindling dahil may consent sa pagitan ng nagpaparenta o roon sa rumerenta na nagtatakbo ng kanilang sasakyan.

Nagpapahina pa sa kaso, kaya patuloy na nakakapagpiyansa ang suspect ay dahil na rin sa ilan sa mga nabiktima ay hindi na nagsasampa ng kaso at yung iba naman ayaw ng maabala lalu na at narekober na ang kanilang sasakyan.

Kaya nga ang panawagan ng mga awtoridad sa mga naging biktima na sama-samang magsampa ng kasong syndicated estafa upang lumakas ang kaso at hindi na ito makapagpiyansa.

Malawak na ang operasyon ng grupong ito ni Anunciacion na ayon sa HPG tinatayang aabot sa 514 sa 608 impounded vehicles buhat sa grupo nito ang naibalik na sa may-ari noong nakalipas na taon at karagdagang 29 pa ang naibawi sa taong ito.

Nagpaalala rin ang HPG sa kahalagahan ng Global Positioning System (GPS) device lalu na sa mga magpapaarkila o magpapahiram sa kanilang mga sasakyan para madaling matunton kung nasaan ito.

Kailangan din ang ibayong pag-iingat at huwag ipagkatiwala agad-agad ang mga sasakyan dapat ding mahingan ng kaukulang identification ang mga rerenta o hihiram sa kanilang mga sasakyan baka kasi sa huli madawit pa sila sa mga ilegal na operasyon ng grupo gamit ang kanilang mga sasakyan.

Ngayong nadakip na ang sinasabing utak sa scam na ito, matigil na kaya ang operasyon ng grupo at yan ay nakasalalay sa pagpupurisigi ng mga biktima sa kaso.

HPG
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with