Pacquiao papayag sa alok ni Arum?
MANILA, Philippines — Noong nakaraang Biyernes ay biglang binisita ni Bob Arum ng Top Rank Promotions si Manny Pacquiao sa kanyang mansyon sa General Santos City.
Walang detalyeng ibinigay ang Filipino world eight-division champion kaugnay sa kanilang naging pag-uusap ni Arum, iniwanan niya matapos matalo kay Jeff Horn noong Hulyo ng nakaraang taon at gi-namit ang sariling MP Promotions.
Sinasabing inialok ni Arum para labanan ni Pacquiao sa Disyembre 2 sina World Boxing Organization welterweight titlist Terence Crawford ng United States at World Boxing Association lightweight king Vasyl Lomachenko ng Ukraine.
Sa dalawa ay mas gusto ng 39-anyos na si Pacquiao na labanan si Lomachenko sa isang catchweight fight.
‘’I think very much. We’d get a catch-weight,” wika ni Arum sa panayam ng BoxingScene.com. “On December 1st, assuredly, at the Forum (sa Los Angeles).”
Matapos maisuko ang kanyang suot na WBO welterweight crown kay Horn noong Hulyo ng 2017 ay inagaw naman ni Pacquiao ang WBA welterweight belt ni Lucas Matthysse via seventh-round TKO victory noong Hulyo 15 sa Malaysia.
Ang nasabing laban ay ikinasa ng MP Promotions ni Pacquiao habang ang Top Rank naman ni Arum ang namahala sa pagsasaere sa US.
Bukas pa rin si Arum na muling makatambal si Pacquiao sa mga susunod na laban ng Filipino boxing superstar.
Dalawa o tatlong laban na lamang ang gagawin ni Pacquiao hanggang sa susunod na taon bago tuluyang magretiro.
- Latest