^

Punto Mo

Lumalalang krimen; Sumasamang hustisya

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

AYON sa Philippine National Police, bumaba ng 21.8% ang krimen sa Pilipinas noong 2017 kumpara sa 2016.  Marami ang di-makapaniwala, lalo na kung tutuusin na ang Pilipinas ang may pinakamataas na “crime rate” sa buong Southeast Asia.  Mayroon pa ngang panahon na ang Maynila ang itinuring na “Kidnapping Capital of Asia.”  Pero sa totoo lang, daig ng Quezon City ang Maynila sa dami ng nagaganap na krimen na katulad ng illegal drugs, human trafficking, murder, corruption at domestic violence.

Bakit mahirap paniwalaan ang ulat ng PNP? Kasi, saksi tayo sa patuloy na pagdami at paglala ng krimen, lalo na sa malalaking siyudad na tulad ng Quezon City, Maynila, Cebu City, Davao City at Cagayan de Oro City. Marami sa pagpatay ay ginagawa sa gitna ng liwanag at sa harap ng maraming tao. Iyan ang talagang nakakatakot, tila wala ng takot ang mga kriminal sa paggawa ng krimen. Ang tawag dito ay “impunity.” Bakit nga matatakot kung hindi naman nahuhuli at napaparusahan! Ang isang “classic example” ay ang “riding in tandem.” Maganda ang orihinal na kahulugan nito — dalawang nagkakaisa sa pagsasakatuparan ng isang layunin.  Kung sabagay, ang “riding in tandem” ay nagkakaisa nga, pero sa paggawa ng karumal-dumal na krimen.

Dahil sa lumalalang krimen, may mga panukala na armasan ang mga barangay chairmen.  Makakabawas kaya ito sa krimen o lalo pang makakadagdag? May mga chairmen at kagawad ng barangay ang sangkot din sa krimen.  Kaya’t ang solusyon ay tila mas nakakatakot kaysa sa problema.

May mga nagpapanukala na muling ibalik ang parusang kamatayan na inalis noong 2006 sa bisa ng isang batas. Ang malaking tanong: ang pagkakaroon ba ng hatol na kamatayan ay mabisang hadlang sa paggawa ng krimen?  May mga nagsasabing “oo,” may mga nagsasabi ring “hindi.”  Gayunman, ang hatol na kamatayan ay katanggap-tanggap sa isang lipunang may maayos na “criminal justice system.” Ito ang sistema ng pagpapairal ng batas na kinapapalooban ng panghuhuli, pag-uusig sa korte, pagdepensa sa nasasakdal, paghatol at pagpaparusa.  Ang mga katuwang dito ay ang pulisya, ang mga abugado, ang mga korte at mga piitan. 

Isa pang malaking tanong: maasahan ba ang ating “criminal justice system?” Sigurado ba tayo na ang mahahatulan lamang ng kamatayan ay ang mga totoong nagkasala? May mga sangkot na pulis sa krimen, may mga hukom na nababayaran, may mga abugadong nasusuhulan, may mga opisyales ng piitan na sangkot sa anomalya, ilegal na droga at pagmamalabis.  Kaya ang sagot sa tanong—isang mariing “hindi,” hindi natin maaasahan ang ating “criminal justice system.” Isa lang walang sala ang mahatulan ng kamatayan ay isa ng napakalaking kawalang-katarungan.

Marami sa atin ang umaasa na lamang sa “divine justice.” Totoong sa bandang huli, hindi makalulusot sa korte ng Diyos ang mga nagkasala, tiyak silang mapaparusahan.  Ngunit ang nais ng Diyos, kung ano ang nangyayari sa langit ay mangyari rin sa lupa. Ang nais ng Diyos ay mangibabaw ang katarungan, katuwiran at pagpapahalaga sa sagradong buhay dito pa lamang sa lupa.

Ang pagsugpo sa krimen at pag-iral ng katarungan ay hindi lamang katungkulan ng gobyerno.  Katungkulan ito ng lahat ng naniniwala sa Diyos at nagmamahal sa bansa. Magtatapos ako sa isa pang tanong: kung masasaksihan mo ang isang krimen o katiwalian, handa ka bang tumestigo? Sa sagot mo mababatay ang magiging kalagayan ng hustisya dito sa ating bansa.

vuukle comment

SUMASAMANG

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with