Ang aking munting adbokasiya
DIKLAP - Ms. Anne (Pang-masa) - February 14, 2018 - 12:00am

NOONG ginagawa ang kalsada sa aming lugar, may oras na sa amin nanghihingi ng tubig ang mga trabahador para itimpla sa semento.

“Nanay, puwede bang makihingi ng tubig?” isang binatil­yong trabahador.

Nakangiti akong nagsalita nang malumanay.

“Ate na lang. Ang lakas makatanda ng pagtawag mo ng Nanay. Isa pa, hindi naman kita anak.”

Nakangising sumagot sa akin, “O, sige Ate pala, pahingi po ng tubig.” Noong sunod na humingi ng tubig. Ate na ang tawag sa akin ng mga trabahador. Ganoon din ang sinabi ko sa mga basurero na kung makatawag ng nanay sa akin ay tila ba sa aking sinapupunan nanggaling ang mga ito. Kaya simula noon, ate na ang tawag nila sa akin at iba pang kapitbahay.

Minsan, sa palengke, tinawag na naman akong nanay ng baklang tindera ng tsinelas. “Nanay walang black, ito na lang gray”

“Ate na lang, ang lakas maka-senior citizen ng Nanay. At saka, hindi naman kita daughter.”

E, pilosopo pala ang bakla. “Bakit Ate, di naman tayo magkapatid?”

“Mam, na lang, tutal titser naman ako.”

Nagkunwari na lang akong titser para tumigil na sa kapilosopohan.

Sa isang supermarket, paglapit naming mag-asawa sa cashier, ang tanong sa amin ay:

“May senior ID ho kayo ?”

Nainis ang aking Mister. Siya ang sumagot. “Miss kung meron kaming senior ID, sa laki ng discount, kanina pa namin iyon inilabas.”

Noong umalis ang aking mister para kumuha ng cart, kinausap ko ang cashier. Kagaya ng dati, nagsalita ako sa malumanay at mahinang boses.

“Na-offend kami sa tanong mo dahil hindi pa kami senior. Sana gayahin ninyo ang mga cashier sa (fastfood), kapag nagtatanong sila, hindi senior ID ang kanilang ginagamit na word, kundi DISCOUNT CARD.”

Marahil ay hindi lamang kami ang nag-violent reaction sa paggamit nila ng salitang senior ID dahil nang muli kaming namili after two weeks, discount card na ang ginagamit na salita.

Mukha namang nagtagumpay ako nang kaunti sa aking advocacy na huwag manawag ng nanay ang mga trabahador at basurero sa mga babaeng hindi naman nagsilang sa kanila. Tumataginting na “Ate” ang tawag ng mga ito sa aking ina na 81 years old at wala namang reklamo kung tawagin man siyang lola o nanay.

           

Philstar
Facebook
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with